BIYAYA ng langit na itinuturing ngayon ng ating mga kababayan si Willie Revillame.
Sa isang panahon nga namang naliligalig pa rin ang buong bayan kung paano sila muling makababangon mula sa lockdown ay isang hulog ng langit ang programang “Tutok To Win” ng aktor-TV host.
Wala namang ibang gagawin ang kanyang mga tagapanood, basta kailangan lang tumutok ng mga ito sa kanyang show, kapag sinuwerteng matawagan niya ang mga televiewers ay agad-agad na silang magkakaroon ng papremyong cash.
Aysus, napakalaking tulong talaga ng mga ipinamamahaging cash ni Willie na nagsisimula sa limang libo, sampung libo, hanggang sa nu’ng nakaraang Sabado nang gabi ay namahagi pa siya ng dalawang tig-50 thousand at isang kalahating milyong piso.
Sobrang apektado ang buong bayan dahil sa tatlong buwang lockdown.
Hindi lang ang mga kababayan nating pinagbawalang pumasok sa trabaho nang halos tatlong buwan ang sobrang problemado ngayon kundi pati ang hanay ng mga negosyante.
Napakaraming negosyong nagsasara ngayon, kesa sa sumayad pa nang husto ang kanilang problemang pampinansiyal ay mas pinipili na lang nilang magsarado na agad, kaya ang mga tulad ni Willie Revillame ay may makabuluhang papel na ginagampanan ngayon para sa ating mga kababayang hindi na alam ang gagawin sa sinasabing new normal.
Maririnig ang malakas na pagsigaw ng kanyang mga tinatawagan, meron pa ngang umiiyak, sinisingitan na lang ‘yun ng pagkokomedya ng TV host para hindi siya madala ng emosyon ng kanyang mga kausap.
Naging emosyonal kami nang marinig namin ang isang matandang babaeng walang-walang pagkukunan ng kanilang kabuhayan sa isang probinsiya sa South.
Hindi halos ito makapagsalita, puro paghikbi ang maririnig sa kabilang linya, kaya dinagdagan pa ni Willie ang kanyang premyo.
Sabi ng mga kaibigan namin, sana raw ay mas marami pang Willie Revillame sa mundong ito na may matinding malasakit at pagmamahal sa mga kababayan na may matinding pangangailangan, harinawa.