OFW partylist di aayaw sa ‘pork’

NAMULAT ang taumbayan sa isyu ng pork barrel nang sunud-sunod na nabunyag ang mga iregularidad sa paggamit ng pork barrel na nagsasangkot kay Janet Lim Napoles, ang sinasabing utak ng P10 bilyon pork barrel scam.

Hindi naman pahuhuli ang ating mga OFW pagdating sa ganitong mga isyu. Palagi silang updated. Mainit ang usapin hinggil sa paggasta ng ating mga mambabatas ng kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala nga sa tawag na pork barrel.

Nais nilang malaman kung ano nga ba ang posisyon ng mga kongresistang kumakatawan sa OFW sector, lalo pa’t ito ang unang pagkakataon na meron silang boses sa Kongreso.

Dalawang upuan ang nakuha ng OFW Family Club partylist na pinangungunahan ni dating Ambassador Roy Seneres.

Ang ikalawang upuan ay kinukuwestyon dahil ang nominado nitong si Johnny Revilla ay may isyu tungkol sa kanyang citizenship na maaari niyang ikadiskwalipika. Ang kaso ay nasa House of Representatives Electoral Tribunal na.

Nang tanungin ng Bantay OCW kung pabor ba silang tanggalin ang pork barrel at kung handa ba silang huwag kumuha nito sa Kongreso, parehong “hindi” ang kanilang tugon.

Kukunin at gagamitin nila ang pondong nakalaan para sa mga OFWs.

Ayon kay Seneres, gagamitin niya ang pondo para sa mga distressed OFWs tulad ng agarang pagpapauwi sa bansa, pang-blood money, pagpapagamot at pondo para makapagsimula ng panibagong buhay ang mga OFW na sumapit ng pangit na karanasan sa abroad.

Isasapubliko raw niya ang buong kwenta ng P70 milyon pork barrel kada taon at kung saan-saan ito napunta.
Pero kung tutuluyan ng Kamara ng tanggalin ang pork barrel ay susunod naman siya.
Sa panig naman ni Revilla, marami rin aniya siyang paggagamitan ng pondo. Pangunahing paglalaanan niya ang pamilyang OFW, mga retirado at pangkabuhayan.

Magiging transparent din anya siya sa kwenta at kung saan napunta ang kanyang pork barrel.

Ngunit may problema ang dalawang kinatawan ng landbased sector.

Ngayon pa lamang, magkaiba na sila ng paninindigan sa napakahalagang mga isyu.

Hindi pabor si Seneres sa pagtatayo ng Department of OFW dahil trabaho na anya ito ng DFA at DOLE habang si Revilla ay pabor dito. Pabor din siya sa paglikha ng Single Maritime Administration.

Problema nga ito! Bakit hindi sila magkatono? Dapat tunay na interes ng ating mga OFW ang maririnig sa kanila. Hindi pa man sila nag-iinit sa pagkakaupo sa Kongreso, may bangayan na sa pagitan nila.

Sabagay, ang taumbayan ang huhusga sa inyo.

Sinikap din ng Radyo Inquirer na kunin ang panig ni Angkla partylist representative Atty. Jesulito Manalo. Ayon sa mga staff nito, sasabihin muna nila sa kanilang congressman at magre-return call na lamang anya sila, ngunit hindi naman sila tumawag.

Ayaw din nilang ibigay ang direktang numero ni Manalo. May problema din tayo rito! Dahil nang unang humiling ng interview ang Bantay OCW, magpadala raw muna ng sulat sa kanila.

Sir, maiintindihan namin na bago ka lamang sa Kongreso pero kapag radio station po ang tumatawag sa inyo, hindi kailangan ng sulat o e-mail. Hindi po ito law office. At maging palaging handang sumagot sana ang ating mga public official sa katanungan ng media dahil may obligasyon kayong dapat marinig ang inyong tinig, kahit na lamang para sa mga taong bumoto sa inyo diyan.

Editor: May nais ba kayong idulog na problema sa Bantay OCW? I-text ang BANTAY, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606
o 09277613906.

READ NEXT
Gallstones
Read more...