DIRETSAHANG ipinamukha ni Angel Locsin kay Senate President Tito Sotto na hinding-hindi niya susuportahan ang anumang uri ng karahasan.
Nalaman kasi ng Kapamilya singer na ni-like ng senador ang isang post sa Twitter na nagsasabing supporter daw siya ng New People’s Army “since day 1”.
Ni-repost ito ni Angel at sinabing, “I saw that you liked this tweet. I will never support terrorists, nor will I ever support any kind of violence.”
Dagdag pa niya, “You have the right to like any tweet. And we have the right to voice out our opinions. I hope we don’t get tagged as terrorist for doing so. Thank you.” Tinag din niya rito ang Twitter account ni Tito Sen.
Isa ang aktres sa mga celebrities na matapang at may paninindigang nagpahayag ng pagkontra sa pagsasabatas ng Anti-Terrorism Bill. Si Tito Sen ang principal author nito sa Senate.
Kinuwestiyon at nagpahayag ng pangamba ang maraming artista sakaling maging batas na ang Anti-Terrorism Act of 2020 kung saan papayagan na ang “warrantless arrests” at “wiretapping of suspected terrorists”.
Isa si Angel sa mga unang celebrity na sumuporta sa panawagang #JunkTerrorBill kasama sina Anne Curtis, Bea Alonzo, Solenn Heussaff, Janine Gutierrez, Enchong Dee at marami pang iba.
Ayon naman sa Malacañang, huwag daw mag-alala ang publiko dahil sinisiguro nila na hindi maaabuso ang Anti-Terrorism Bill kapag naisabatas na ito.