UMAPELA si Ang Probinsyano Rep. Alfred Delos Santos na pagaanin ng problema ng mga Micro, Small and Medium Enterprises sa pamamagitan ng pagbibigay ng discount sa renta.
Ayon kay delos Santos dahil sa lockdown ay 47 porsyento o 467,581 MSMEs ang nagsara at nawalan ng kita.
“Iyan po ay sa Luzon pa lamang. Hindi pa kasama ang ibang rehiyon na tinamaan ng pandemic at kung saan ay nanganganib ding magsara ang marami pang maliliit na negosyo,” ani delos Santos.
Kaya umapela ang solon na bukod sa 30 araw na grace period sa pagbabayad ng renta ay baka maaaring bigyan ng discount ang mga MSMEs dahil wala naman silang kinita noong lockdown.
“Wala pong kita ang mga MSMEs natin, patung-patong na bayarin sa utilities at renta ang nakaabang sa kanila. At sa kabila nito, patuloy ang suporta at tulong nila sa mga empleyado at hindi rin naman sila nagtatanggal ng mga trabahador alinsunod sa patakaran ng DOLE (Department of Labor of Employment).”
“Kung tutulungan po natin sila na lalong pagaanin ang problema sa upa, mapapahaba pa po nila ang kanilang mga pisi,” punto pa ni delos Santos.
Nagpasalamat din si delos Santos sa Department of Trade and Industry sa inilaan nitong P1 bilyon pautang sa mga MSMEs na may maliit na interes upang muling mabuhay ang kanilang negosyo.
“Ang atin po sanang mungkahi ay maglaan sana ng cash assistance sa mga kwalipikadong MSMEs upang maakay natin sila sa paghaon. Ang kailangan po nila ay kagyat sa solusyon upang maipagpatuloy pa ang kanilang negosyo kapag handa ito sa muling pagbubukas.”