PAUMANHIN sa tinaguriang Dobol B ng Pinoy sportswriting community na kaibigan ng lahat ngunit sa pagkakataong ito ang tinutukoy kong Dobol B ay walang iba kundi sina Philippine Sports Commission (PSC) chairman Butch Ramirez at Games and Amusements Board (GAB) chairman Baham Mitra.
Totoong nasusubukan ang tunay na pagkatao, kalidad, talento at katatagan ng isang lider sa panahon ng krisis at nakatataba ng puso na hindi binibigo nina Butch at Baham ang kanilang mga nasasakupan sa panahon ng pandemya.
Handa silang harapin ng buong tatag at tibay ang mga hamon ng salot na dala ng Covid-19 upang pangalagaan at itaguyod ang kapakanan ng mga manlalarong amatyur sa parte ni Butch at mga propesyonal na atleta na nasa pamamatnubay ni Baham.
Hindi na bago kina Dobol B ang pagharap sa mga pagsubok. Sa mga ganitong uri ng sitwasyon sila mas namamayagpag at dito lalong nasusukat ang kanilang kakayahan. Sabi nga “The moment you stop accepting challenges is the moment you stop moving forward.”
Tulad ng larong basketbol, volleyball o anumang team sports, napakahalaga ng teamwork para magwagi at buhay na buhay ang bayanihan spirit sa dalawang ahensya ng pamahalaan.
Suportado ng mga PSC commissioners na sina Celia Kiram, Arnold Agustin, Charles Maxey at Ramon Fernandez si Butch, at matibay din ang pananalig nina GAB commissioners Eduard Trinidad at Mar Masanguid kay Baham.
Ang Resulta?
Malinaw ang direksyon ng PSC at GAB na ikinatutuwa ng mga atletang Pinoy.
Ipinakita ni Butch ang matibay na paninindigan matapos ihayag ang pagbawas ng 50 porsyento sa mga allowance ng mga pambansang atleta at coaches. Ngunit upang makaluwag naman ay sinabi rin ni Ramirez na makakakuha na ng 20 porsyento diskuwento ang mga nasyonal sa maraming bagay tulad ng gamot, pagkain, etc. ayon sa batas.
Sa pagkakakilala ko kay Butch, masakit sa kanyang kalooban ang pagbabawas ng allowance sapagkat noon pa man ay malapit na ang kanyang puso sa mga atleta at coaches.
Sa ilalim ni Butch ay tunay na nabigyan ng kahalagahan hindi lang ang mga national athletes kundi ang grassroots sports development program at ang pagsulong sa tribal sports at maging sa mga differently-abled athletes.
Bago nga ang pagsalanta ng Covid-19 ay nagbunyi ang buong bansa dahil sa tagumpay ng Pilipinas sa Southeast Asian Games.
Ngunit dahil na rin sa trahedyang dala ng coronavirus na sumira sa badyet ng PSC na nagmumula sa National Sports Development Fund na kinukuha sa Pagcor ay kailangang pahabain ng PSC ang pisi upang hindi maubos ang pondo.
Masakit na katotohahan ngunit tiniyak naman ni Ramirez ibabalik ng PSC ang kabuuan ng allowance sa pagbabalik sa normal ng sitwasyon. Tiniyak ito ni Butch sapagkat ito ay naaayon sa batas.
“With much regret and after several discussions within the board and senior officers of the agency, a 50 percent reduction on allowances of athletes and coaches shall be effected starting June 1,”
pahayag ni Ramirez,. “This is a hard decision to make, but one that needed to be done so we can continue caring for our athletes longer.”
Malakas ang aking paniniwala na pabor ang nakararaming mga atleta sa desisyon sapagkat alam nila ang malagim na katotohanan. Bumaba pansamantala ang kita ng Pagcor na aktibo rin sa pagbibigay ng pondo upang sagupain ang Covid-19.
Malinaw sa aking paningin na korek ang ginawa ni Butch sapagkat sa panahong ito ay kailangan ng lahat na magsakripisyo.
Tulad ni Butch ay naharap din ang GAB sa malaking pagsubok ngunit hindi ito inurungan ni Baham, bagkus ay matapang niya itong sinagupa.
Nauna ng umani ng papuri ang premyadong ahensya sa ilalim ng dating mambabatas mula sa Palawan matapos ang pagbibigay ayuda sa mga boksingero, trainer, coach atbp na nawalan ng hanapbuhay dahil sa salot, Dahil sa proactive, ay agad na kumilos si Mitra upang kahit papaano ay makatulong sa mga apektado ng pandemya.
Ang tatak Mitra ay ang maagang pagkilos, hindi tulad ng ibang mga lider na mabagal at palaging huli na sa aksyon. Sabi nga, aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.
Natitiyak kung sa ilalim ni Mitra ay unti-unting maibabalik ang kislap ng professional sports. Mark my word at ito rin naman ang nasa saloobin ng aking mga nakakausap na pinamamatnubayan ng GAB.
Handa ang GAB na paglingkuran ang mga atleta sa kanilang pagbabalik sa normal na buhay.
Mahirap at matagal ang laban kaya naman humihingi si Mitra ng pang-unawa mula sa lahat.
Wala akong duda na nasa mabubuting kamay ang mga atleta sa mga lider na tulad nina Butch at Baham.
May your tribe increase, gentlemen!