KOBE PARAS
MAY ilang collegiate basketball standouts na rin ang nagpahayag ng kanilang pagtutol sa kontrobersyal na Anti-Terror Bill na pirma na lang ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kailangan para maging batas.
Kabilang sa mga umalma sa nasabing Anti-Terror Bill sina University of the Philippines Fighting Maroons forward Kobe Paras at University of Santo Tomas Tigers guard CJ Cansino na ginamit ang Twitter para ipanawagan ang pagbasura ng nasabing panukalang batas na pinangangambahang magbibigay ng kapangyarihan sa kapulisan at militar na arestuhin ang sinumang indibiduwal na magsasalita laban sa pamahalaan.
Si Thirdy Ravena, na naglaro ng kanyang huling season sa Ateneo Blue Eagles nitong 2019, ay nagsalita rin at nag-repost ng mga larawan sa Instagram na pumupuna sa nasabing panukalang batas.
Ibinahagi naman ni Paras ang kanyang damdamin sa pag-retweet ng mensahe ni 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach na nagsabi na ang boses ng mga mamamayan ay dapat pakinggan at hindi ito dapat patahimikin.
“My whole life I was told to be quiet and never speak up about things going on in this world because I’m just an athlete. I am a human being,” sabi ni Paras. “God gave me legs to stand up for what is right. God gave me a mouth to speak up for those voices who couldn’t be heard.”
Bilang estudyante ng UP, ipinahayag din ni Paras ang pakikiisa sa mga nagmartsa sa Diliman kontra Anti-Terror Bill.
“I may not be in UP right now, but I am there in spirit. Wearing a maroon hat that says what we all want, CHANGE!” sabi ni Paras sa kanyang Twitter account.
Si Cansino ay nag-tweet naman sa #JUNKTERRORBILLNOW bilang pagsuporta dito at ni-retweet ang link ng change.org kung saan pwedeng pumirma ang mga tao sa nasabing petisyon at magbigay ng donasyon sa nasabing kampanya.
Inilagay din ni Ravena ang link ng change.org sa kanyang Instagram bio.
Hindi lang kinuwestyon ni Paras ang panukalang batas kundi binira rin niya ang pamahalaan tungkol sa inutang nito na P8.6 trilyon.