NANINGIL umano ang Manila Electric Company ng metering charges kahit na wala namang nagbahay-bahay para magbasa ng metro noong Marso at Abril kung kailan ipinatutupad ang Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Manila Teachers Rep. Virgilio Lacson makikita umano ang singiling ito sa bill na siningil ng Meralco sa kanilang milyon-milyong kustomer.
Inihain ni Lacson ang House Resolution 0882 upang maimbestigahan ang mga reklamo ang mga kustomer sa biglaang paglaki ng kanilang bayarin sa kuryente.
Sinabi ng Meralco na aalisin nila ang metering charges matapos itong ipunto ni Lacson.
Inamin ng Meralco na hindi nagsagawa ng pagbabasa ng metro ang mga tauhan nito at ibinase ang singilin sa average consumption ng kanilang kustomer na pinapayagan ng Energy Regulatory Commission.