Bakit hiyang-hiya si Maymay nang makaeksena si Kathryn?

Kathryn-Maymay

“HALA ka, hindi pala madali mag-artista!” Yan ang napatunayan ni PBB Lucky Season 7 big winner Maymay Entrata nang pasukin na niya ang mundo ng showbiz.

Bata pa lang si Maymay ay mahilig na siya sa mga artista, talagang sinusubaybayan niya ang mga paborito niyang teleserye sa telebisyon at nanonood ng mga pelikula sa sinehan.

Napa-throwback ang dalaga nang mag-guest siya sa Actors’ Cue #ExtendTheLove fundraising project para sa mga film workers na nawalan ng trabaho dahil sa lockdown.

“Nu’ng younger days ko sobrang mahilig ako sa mga romcom, mga fairytales na love story na sigurado akong laging happy ending. Kasi uso yun dati yung happy ending,” simulang kuwento ni Maymay.

“Hanggang sa napunta du’n sa movie nina Anne Curtis, yung ‘No Other Woman’, yung may kabit-kabitan na, pero may happy ending pa rin yun. Naalala ko yung first na na-heartbroken ako na love story, yung ‘Starting Over Again’ nina Toni Gonzaga at Piolo Pascual.

“Tapos napunta rin ako sa indie film na nagustuhan ko, yung ‘That Thing Called Tadhana.’ Hanggang sa ‘Hello, Love, Goodbye.’

“Na-realize ko habang naggo-grow ako at nagma-mature ako, parang nag-iiba pala yung taste ko sa movie. Na mas gusto ko na yung movie na reality, kung saan ay nangyayari siya sa totoong buhay kasi feeling ko ay nakaka-connect ako du’n,” pahayag ng dalaga.

Inamin ni Maymay na noong una ay inakala niyang madali lang ang akting, “Fan na fan talaga ako ng mga teleserye at pelikula kaya dati pag pinapanood ko yung mga iniidolo ko, laging nasa isip ko, ‘Hala grabe itong mga artistang ‘to, parang ang dali lang ng ginagawa nila.

“Iiyak lang, tatawa lang sila, batuhan lang sila ng linya, tapos yun na yung trabaho nila tapos sikat pa sila.’ So ang tingin ko talaga sa kanila ay napaka-perfect nila,” aniya.

Patuloy pa ng aktres, “Late kasi ako naging artista 19 years old, so nu’ng pumasok ako sa showbiz tapos naranasan ko yung acting, yung first (time ko) sa set ko, sobrang kabado ako. 

“Nandu’n yung pressure. Tapos nasabi ko, ‘Hala ka, hindi pala madali mag-artista.’ Kasi yung eksena na napanood ko na gabi, yun pala ay na-shoot ng madaling araw. Puyatan pala dito. 

“Pero at the same time naa-amaze ako sa mga artista kasi naa-amaze ako sa tapang nila kung paano nila hina-handle yung trabaho nila sa personal na buhay nila. 

“Kaya napakalaki yung respeto ko sa kanila talaga dahil saksi ako na hindi talaga madali ang pagiging artista,” lahad pa ni Maymay.

Isa sa mga naging inspirasyon ni Maymay para mas pagbutihin pa ang kanyang craft ay si Kathryn Bernardo na nakasama niya sa “Hello Love, Goodbye”.

“Tanda ko yung La Luna Sangre, hindi ko pa kuha yung sistema, kung paano ba umiyak, hindi ko alam kung ano instrumento ko. Ang akala ko kasi mag-memorize lang ako ng line tapos ibabato ko lang tapos yun na yun. 

“Hala tapos nakita ko sarili ko sa TV, wala naman akong naramdaman. Napahiya ako. Sabi ko, ‘Hala, ba’t ako naging ganu’n? Para lang akong picture dun. Wala talaga akong naramdaman sa mga in-acting ko. Hala, parang binabasta-basta ko lang ‘to ah.’ 

“Tapos hiyang-hiya ako kasi may one time may eksena kami ni ate Kath tapos nu’ng nag-cut nagpunta siya sa director tapos tiningnan niya sa monitor tapos sabi niya kay direk, ‘Isa pa.’ 

“Sa isip ko, ‘Hala, ang ganda na nga nu’n tapos gusto pa niya ng isa.’ Du’n ako na-inspire kay ate Kath, kung gaano siya ka-passionate sa craft niya at sa La Luna Sangre masasabi ko na sobrang lost ako du’n as an artista siguro kasi bago pa ako,” pag-amin pa ng Kapamilya actress-model.

Read more...