Vice sinopla ang netizen na nagtanong ng ‘bakit hindi ka vocal sa isyu ng ABS-CBN?’

VICE GANDA

DIRETSAHANG tinanong ng isang netizen si Vice Ganda tungkol sa pagpapatigil sa operasyon ng ABS-CBN at sa hearing para sa franchise renewal ng network.

Komentong-tanong ng isang Twitter user, bakit hindi raw “vocal” ang TV host-comedian sa kanyang saloobin tungkol sa mga kontrobersyang kinasasangkutan ng kanyang mother network.

 “Last na tanong bakit ndi ka vocal about sa isyu ng ABSCBN. Sana ganyan ka rin para ipagtanggol ang network! #IbalikAngABSCBN,” ang hirit ng follower ni Vice sa Twitter.

Pero sa halip na sagutin ang question ng netizen, sunud-sunod na tanong din ang ibinato sa kanya ng Phenomenal Box-office Star.

Pahayag ni Vice, “Ang sagot ko po sa tanong nyo ay tanong din.

“Nabasa nyo po ba lahat ng tweets ko?

“Nakita nyo po ba lahat ng IG posts ko?

“Nawatch nyo po ba ung latest youtube vlog ko?”

Siguradong ang tinutukoy ng komedyante ay ang mga ipinost niyang mensahe sa social media matapos ipasara ng National Telecommunications Commission ang ABS-CBN noong May 5.

Umang post ni Vice sa Twitter, “Di lang ang network at ang mga empleyado ang kawawa kundi ang buong bansa at lahat ng Pilipinong napagkaitan ng kailangang kailangang serbisyo sa oras na ito ng pandemya. ANG LUPIT!”

Bukod dito, may tweet pa ang TV host tungkol sa palitan nila ng text messages ng kanyang nanay na si Rosario Viceral na nangangamba sa mga mawawalan ng trabaho kapag tuluyan nang nagsara ang ABS-CBN.

Nito lang nagdaang Lunes, ipinaabot din ni Vice sa ilang kongresista ang kanyang pasasalamat dahil sa pagtatanggol nila sa ABS-CBN.

Kamakailan, binanatan din niya si SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta nang  gamitin nito sa franchise renewal hearing ang video ng pagbibiro niya kay Pastor Apollo Quiboloy sa It’s Showtime. 

Read more...