Unang paglabas ng bahay ni Ken Chan sa gitna ng GCQ minalas; sasakyan nabangga

SA muling paglabas ng bahay ng Kapuso actor na si Ken Chan makalipas ang mahigit dalawang buwan, aksidente agad ang sumalubong sa kanya.

Nabangga ang sinasakyan niyang Mitsubishi Montero sa Quezon City kaninang hapon sa intersection ng Timog Avenue at Panay Avenue, Brgy. South Triangle, Quezon City.

Ayon sa ulat ng GMA 7, sugatan ang driver ng L300 van na si Benjamin Muyrong Jr. at kasama nitong si Enrique Acutayan nang aksidenteng bumangga sa sasakyan ni Ken. Agad silang dinala sa East Avenue Medical Center.

Base sa salaysay ni Ken, pauwi na siya sa kanilang bahay mula sa isang commitment nang banggain ang likurang bahagi ng kanyang sasakyan na minamaneho ni Muyrong.

Agad na bumaba ng sasakyan ang aktor at nakita nga niyang nayupi ang harapang bahagi ng L300 kaya naipit ang driver nito. Mabuti na lamang daw at na-rescue agad ang driver.

Wala rin daw balak magdemanda si Ken dahil sa nangyari dahil alam niyang nagtatrabaho at may pamilya rin ang sugatang driver.

“Naawa ako kay manong alam ko may katandaan na siya, hirap na hirap siya habang tinutulungan na maalis sa pagkakaipit, nakita ko namamaga ang dibdib niya dahil sa natamong pinsala” pahayag ni Ken na hindi naman nasaktan sa insidente.

Read more...