UMABOT na sa 301 opisyal ng barangay ang nahaharap sa reklamong kriminal kaugnay ng iba’t ibang anomalya sa pamamahagi ng unang tranche ng Social Amelioration Program.
Ang mga ito ay inireklamo ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices, Bayanihan to Heal as One Act, at Law on Reporting of Communicable Diseases.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang maparusahan ang lumalabag sa mga polisiya kaugnay ng SAP.
Mayroon pa umanong 76 na iba pa na nasa ilalim ng case build up.
Pumunta ang 381 katao sa mga tanggapan ng PNP-CIDG at regional offices nito upang magbigay ng pahayag kaugnay ng korupsyon na naganap umano sa SAP distribution.
Patuloy umanong tatanggap ng reklamo ang DILG at PNP-CIDG kahit namimigay na ng ikalawang tranche ng SAP.
Marami umanong kaso ang naisampa dahil “sa lakas ng loob at katapangan ng ating mga kababayan na nag-report ng mga tiwaling opisyal at kawani na ito. Salamat po.”
Kasama sa kinasuhan sina Punong Barangay Ariel Hiquina ng Barangay San Vicente, San Jacinto, Pangasinan, Barangay Health Worker Elizabeth Oligan at municipal health worker Nancy Bombarda na hinati-hati umano ang P5,500 SAP.
“These officials do not operate alone kaya itong si Oligan was later on identified to have been allegedly working with the kapitan at isang tao ng munisipyo kaya sila ngayong tatlo ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 at Section 6(a) naman ng RA 11469,” ani Malaya.
Binawasan naman umano ng P1,600 ang SAP kaya nakasuhan si Punong Barangay Edison Franco ng Barangay Balite, Villaba, Leyte. Ang P1,600 ay ipinamigay umano sa iba na hindi nakatanggap.
“These are cases on the ground that we encourage the residents to report kaya patuloy ang paghikayat namin na kanila na maglakas-loob at isumbong ang mga walang pusong ito at we will ensure na ito ay maaksyunan,” dagdag pa ni Malaya.