Osang, Alma, Maui, Katya patalbugan sa ‘Next Philippine Porn Star’

BALIK-TRABAHO na si Rosanna Roces makalipas ang ilang buwang pagkatengga dahil sa malawakang lockdown.

Makakasama niya sa isang bagong pelikula ng Viva Films sina Katya Santos, Maui Taylor at Alma Moreno na ididirek ni Darryl Yap.

Ito ang pinakahihintay na sandali ng aktres, ang payagan nang makabalik sa trabaho ang mga artista at maging normal na ulit ang entertainment industry dahil marami na ang nagugutom sa kawalan ng trabaho.

“Ang saya-saya ko, balik-trabaho na ulit. Excited ako sa movie na gagawin namin nina Alma, Maui at Katya. Comedy daw, si Darryl Yap direktor, hindi ko pa siya kilala, pero bata ‘yan, ‘no?” sabi ni Osang nang maka-chat namin kamakailan.

Biniro namin siya na parang magiging reunion ito ng nga mga dating sexy stars at natawang sagot niya sa amin, “Oo, kami ang magtuturo sa mga bagong hubadera.”

May bagong sexy star na makakasama ang grupo na hindi pa pinangalanan at aniya, sa title pa lang ng pelikula ay tawang-tawa na siya.

“Nakakatawa yung title, ‘The Next Philippine Porn Star’, enjoyin ko talaga ‘yan. Diyos ko blessing ‘yan,” sabi pa niya.

Sampung araw daw silang magsu-shoot sa Subic, Zambales pero 14 days silang mananatili roon dahil ito raw ang gusto ng management ng hotel kung saan sila titira.

Tinanong namin si Osang kung may pagkakahawig sa kanyang classic film na “Ligaya Ang Itawag Mo sa Akin” ang magiging kuwento ng bago niyang pelikula.

 “Hindi, seryoso ‘yung ‘Ligaya’, ito naman comedy, hindi ko pa nababasa ang script, kaya hindi ko pa alam talaga ang magiging takbo ng kuwento,” saad ni Osang.

Sina Osang at Alma ang mahusay sa timing sa comedy kung ikukumpara kina Maui at Katya kaya nai-imagine na namin kung ano ang gagawin nilang apat at kung paano nila gagampanan ang kanilang mga role.

“Oo, hahataw kaming dalawa diyan,” sabi pa ng dating sexy star.

Nabanggit din niya na may pelikula  siyang gagawin na si Adolf Alix, Jr. ang direktor bukod pa sa balitang magkakaroon na rin ng part 2 ang “Panti Sisters” mula sa IdeaFirst Company.

Dagdag pa ng aktres, “Meron pang isang malaking project, hindi ko pa puwedeng sabihin pero ako ang bida.”

Read more...