EXASPERATED over the congressional hearing on ABS-CBN’s franchise, actor Enchong Dee articulated his thoughts sa social media.
“This hearing only shows no matter how much facts and documents we present in the house, paikot-ikot at pauit-ulit lang sia. Wasting time and wasting taxpayers money is obvious,” he tweeted.
He was particularly miffed siguro dahil pare-parehong issue ang inilatag sa hearing kahapon, mga issue na nasagot na ng ABS-CBN executive noong Senate hearing.
May mga nag-agree naman sa kanya. Those were of the opinion na talagang may mga naulit na tanong habang hinihimay ang issue sa franchise renewal ng ABS-CBN.
“Totoo naman. Nasagot na nila ang citizenship ni Lopez sa Senate, ang bago lang yung 50 year franchise pero pwede naman bigyan ng panibagong franchise kasi madaming companies na more than 50 years na sa serbisyo. Dun tayo sa employment na lang nang mga employee nila. Baka mas may bisa pa ang hearing kapag yun ang pinagusapan.”
“Tama si Enchong. Kahit ano pa ang isagot ng ABS, may mga taong sarado ang utak at ipagpipilitan ang kanilang paniniwala. Mukhang merong may gustong gusto makakuha ng franchise kaya ganon na lang ang paninira sa ABS.”
“Talagang nakakainit ng ulo ang hearing, parang kanta lang ni Sarah G…Ikot ikot lang Ikot ikot…ikot! Ilan beses ng nasagot yan hay susmiyo!”
“Although na tackle at nasagot naman sa senado pero need pa rin dumaan sa lower house kc sila ang proper venue. Masyado mahaba maghain ng tanong yong opposing the franchise. At direct to the point sagot ni Katigbak very short answers na swak na sagot sa mahabang salaysay. Sana derecho tanong na lang ang kongresista kaya sayang oras nga nman.”
Samantala, sa pagdinig sa Kongreso kahapon ay pinabulaanan ng ABS-CBN ang mga alegasyon kaugnay sa 50 taong limitasyon sa prangkisa, citizenship ng chairman emeritus nito, pag-isyu ng Philippine Deposit Receipts (PDRs), at agarang pagbabalik ng kumpanya sa mga Lopez nitong Lunes (Hunyo 1) sa House of Representatives.
Ipinahayag ni ABS-CBN president at CEO Carlo Katigbak na ang 50 taong limit na nakasaad sa Article 12, Section 11 ng Saligang Batas ay para sa bawat prangkisang binibigay ng Kongreso.
“Malinaw po ang kahulugan nito. Na bawat prangkisang ibinibigay ng Kongreso ay hindi pwedeng lumampas ng 50 years. Pero wala naman pong sinasabi na ang buhay ng isang kumpanya ay may limitasyon na 50 years. Pwede naman pong bigyan ng panibagong prangkisa,” paliwanag ni Katigbak.
Itinanggi rin niya ang paratang na hindi Filipino ang nagmamay-ari sa ABS-CBN at ipinahayag na ang chairman emeritus nito na si Eugenio “Gabby” Lopez III ay isang Filipino mula kapanganakan at may karapatang magmay-ari ng media company sa Pilipinas.
“Si Mr. Lopez po ay ipinanganak noong 1952 kaya sakop po siya ng 1935 Constitution. Ang tatay at nanay niya ay parehong Pilipino. Kaya from birth, automatic na siya ay isang Pilipino din,” paglilinaw niya.
Binigyang-linaw rin ni Katigbak ang isa pang isyung binabato sa kumpanya at sinabing kailanman ay hindi nawala sa mga Lopez ang pagmamay-ari sa ABS-CBN, kahit pa noong panahon ng Martial Law kung kailan sapilitan itong pinasara ng gobyerno.
Aniya, “Ang pagbabalik ng ABS-CBN sa pamilyang Lopez ay ayon sa batas, at may basbas ng tatlong ahensya ng goberyno: ang PCGG, ang Office of the President, at ang Korte Suprema.”
“Ang PCGG mismo ang umaksyon na ibalik sa mga may-ari ang Channel 2 noong June 1986. Noong January 1987, nagkaroon ng agreement ang gobyerno at ABS-CBN na isaayos ang pagbalik ng mga iba pang facilities ng ABS-CBN na patuloy pang ginagamit ng goberyno. Itong agreement ay may basbas ng Korte Suprema noong 1989.”
He added na ibinalik ng PTV 4 ang iba pang pasilidad ng ABS-CBN noong 1992, anim na taon matapos ang EDSA Revolution.
Isa pang isyu na sinagot ni Katigbak ang sinasabing labag sa batas na pagbebenta ng PDRs sa mga banyaga. “Ang PDR po ay hindi katumbas ng pag-aari sa ABS-CBN,” paglilinaw niya, at patunay dito na wala aniyang karapatang bumoto ang sinumang humahawak ng PDR sa pagpapatakbo ng kumpanya.
He stressed na aprubado ng Securities and Exchange Commission ang mga PDR.
“Ang pagbenta po ng PDR sa publiko ay inaprubahan ng SEC noong October 4, 1999. Paano ito magiging labag sa batas kung ang ahensya mismo ng gobyerno ang nagbigay ng permit para ibenta ang mga PDR na ito?” paliwanag niya.
Dagdag pa ni Katigbak na may ibang media company na nagbenta ng PDR at hindi naman ito naging isyu sa pagpapalawig ng kanilang prangkisa.