NAKIUSAP ang Department of Trade and Industry sa mga nagbebenta ng bisikleta at mga electronic gadget na huwag masyadong taasan ang presyo ng mga ito ngayong marami ang umaasa rito dahil sa ‘new normal”.
Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo babantayan nila ang mga nasabing ‘new normal’ items ngayon na patuloy na tumataas ang demand sa mga ito dulot ng coronavirus pandemic.
“We will see po kasi before COVID, hindi siya basic o prime commodity so hindi po talaga natin yan binantayan before COVID because it was a regular consumer product. Pero in the meantime, pakiusap po natin sa both business owners na nagbebenta ng ganitong produkto at sa consumers na kung magtataas po ng presyo para sa bike or laptops, kung puwede po yung reasonable increases lang na hindi masyadong malaki.” ani Castelo sa public briefing.
Tumaas ang demand sa bisikleta dahil sa kakulangan sa public transportation sa gitna nang pagkakalagay Metro Manila sa ilalim ng general community quarantine status.
Tumaas din ang demand para sa mga electronic device at gadget gaya ng desktop computers, laptop, tablet at smartphone dahil sa nagbabadyang paglipat ng pag-aaral at iba pang trabaho online.