ALAM na nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla kung ano ang gagawin kapag nagkaroon sila ng tampuhan o pagtatalo.
Walong taon nang magkarelasyon ngayon sina Kath at DJ kaya more or less ay kabisado na nila ang weakness at strength ng bawat isa.
Sa mga pagkakataong nagkakaroon sila ng hindi pagkakaintindihan alam na nila ang mga dapat at hindi dapat gawin para hindi magsalubong ang galit nila.
Sa isang panayam, inamin ni Daniel na mainitin noon ang kanyang ulo kaya may mga panahon na pinagtataasan niya ng boses si Kathryn. Aniya, maling-mali raw ito at hindi dapat ginagawa ng isang lalaki sa kanyang girlfriend.
“Kasi hindi madadaan ang mga usapan sa ganoon, e, sa galit. Laging dapat klaro ka. Hindi ka puwedeng ang taas mo agad lagi,” paliwanag ng binata.
Pagpapatuloy pa niya, “Ako, nakita kong problema ko noon kapag nag-aaway kami ni Kathryn, parang, pag mas malakas yung boses ko, baka mas manalo ako, parang may ganu’n.
“Na parang sa akin ngayon, na-realize ko mali pala yung ganu’n, parang hindi dapat ganu’n.
“Parang minsan, kahit may nasabi man siya na medyo pumantig sa tenga mo, dapat hindi ka kaagad magpi-flip out.
“Yung parang minsan, kailangan mo na lang padulasin, minsan kailangan mo na lang hayaan,” aniya pa.
Ipinagdiinan naman ni Kathryn na respeto sa isa’t isa ang kailangan sa isang relasyon lalo na kapag may hindi pagkakaintindihan.
“Sa akin, yung respeto, sobra-sobra yun, kasi kapag…di ba, nati-test ‘yan kapag galit tayo?
“Kagaya ng sinabi ni DJ puwede kang magsalita ng mga kung anu-ano na mao-offend yung partner mo, o alam mo yung mapipikon siya.
“So, ang laking bagay na nirerespeto niyo ang isa’t isa,” sabi pa ni Kathryn.
Kung matatandaan, nauna nang sinabi nina Kath at DJ na sa lahat ng relasyon ay hindi nawawala ang tampuhan o away kahit gaano pa nila kamahal ang isa’t isa.
“Dumaan kami diyan sa point na yan. Hindi ko alam kung ika-fourth o ika-third year yung una. Tapos, ika-seventh year, ibang isyu naman yon.
“So, dumaan and, parang darating yun sa relationship kasi mag-e-eight years na kami. Tapos may darating na problema talaga na magta-touch sa inyong dalawa. So, doon na-test,” ani Kathryn.