PERSONAL na namigay ng ayuda ang Kapamilya singer na si Marcelito Pomoy sa mga residente ng isang liblib na barangay sa Calauag, Quezon.
Ipinaliwanag ni Marcelito sa madlang pipol sa pamamagitan ng isang video kung bakit doon nila napiling mamahagi ng tulong ngayong panahon ng pandemya.
Una na nga riyan ang pagmamahal ng asawa niyang si Joan sa Quezon na kanyang hometown.
Nagpunta sila sa Brgy. Kuyaoyao sa Calauag dahil nalaman nila ang napakahirap na kundisyon ng mga tao roon, na lalo pang tumindi nang ipatupad na ang lockdown sa bansa dulot ng COVID-19 crisis.
Ayon pa sa America’s Got Talent: The Champions finalist, dahil malayo nga sa kabihasnan ang nasabing barangay, kailangang gumastos ng P400 ang isang tagaroon para lang makarating sa town center para makabili ng supplies.
“Kami po ay pupunta na sa lugar sa Kuyaoyao kung saan itong lugar na ito ay napakalayo, more than one hour ang biyahe.
“So ang pinili namin na lugar na bigyan ng relief sobrang napakahirap po ng kalagayan nila du’n.
“And then pamasahe palang papunta ng bayan more than 400 na isang tao,” pahayag ni Marcelito.
Bukod dito, nakakaawa rin daw ang buhay ng mga mag-aaral doon, “And then sa totoo lang, ‘yung mga estudyante dun, ‘yung mga mag-aaral, nilalakad nila ‘yung school nila. Kaya sobrang hirap.
“Kaya salamat po sa lahat ng sumuporta at nagbigay ng mga tulong. Isang napakalaking biyaya po nito para sa kanila.
“Kaya sa lahat ng may mabubuting puso, again, pwede po akong maging tulay para makatulong sa iba, sa mga mas nangangailangan pa sa akin,” mensahe pa ng grand winner ng Pilipinas Got Talent season 2 (2011) ng ABS-CBN.
Kabilang sa mga ipinamigay nina Marcelito sa mga taga-Kuyaoyao ay mga dressed chicken at bigas.