MAAARI kang hindi sumang-ayon sa iyong employer kapag ikaw ay inoperan na bawasan ang iyong sahod at mga benepisyo na matagal mo nang tinatanggap.
Ayon kasi sa bagong Labor Advisory 17 ng Department of Labor and Employment, (Section 5, Wages and wage-related benefits), “employers and employees may agree voluntarily and in writing to temporarily adjust employees’ wage and wage-related benefits as provided for in existing employment contract, company policy, or collective bargaining agreement.”
Ginawa ang advisory para maka-recover kaagad ang mga employer mula sa pagkalugi sanhi ng COVID-19 pandemic crisis at habang nasa community quarantine ang ating ekonomiya. Pero tila binalewala ng DOLE officials ang mga masamang implication naman nito sa mga manggagawa na naghihirap din dahil sa dinadanas nila simula noong March 15 hanggang sa kasalukuyang lockdown.
Biruin mo, pinayagan na nga ang mga employer na mag flexible work arrangement gaya ng reduced work week, reduced work hours, job-sharing, job-rotation para maka-cope sila sa pagkalugi, ngayon ay binigyan pa ng pahintulot na bawasan ang sahod at mga benepisyo ng mga manggagawa.
Ang pagbawas ng sahod at benepisyo ng mga empleyado ay isang tahasang pag-atake sa prinsipyo ng non-diminution of wage and benefits principles na pino-promote ng ating Labor Code at ng hudikatura – with or without crisis.
Habang kasalukuyang ina-amend ng DOLE ang panukala matapos batikusin ng mga labor groups, maari kang tumanggi o hindi pumayag na makipag-negotiate sa iyong employer na bawasan ang sahod at benepisyo kahit pa voluntary lamang ito.
Kung ikaw’y pinilit ng employer mo na mag-voluntary agree to deduct your salary and reduce your benefits, magsumbong at mag private message kaagad sa amin sa Facebook @Inquirer Libre o kaya ay mag-text sa 09989558253.