KAMAKAILAN lang ay inanunsyo ng Philippine Sports Commission (PSC) na babawasan nila ang mga sahod ng mga national athletes ng 50 porsiyento ngayong darating na Hulyo para masiguro na ang ahensya ay may sapat na pondo hanggang Disyembre.
At kabilang ang professional tennis player na si Francis Casey Alcantara sa mga atletang maapektuhan ng pagkaltas sa kanilang sweldo.
Bilang isang national athlete at Southeast Asian Games gold medalist, si Alcantara ay tumatanggap ng buwanang sweldo mula sa PSC at batid niya na hindi tama na magreklamo dahil sa nangyaring ito.
“Yes, that’s sad,” sabi ni Alcantara sa panayam ng Inquirer. “But we can’t really complain because of what’s happening.”
Ang PSC ay nagbibigay ng aabot sa P45,000 kada buwan sa mga top caliber athletes at P15,000 sa mga national pool members. At hindi pa kasama rito ang gastusin sa pagkain ng mga atleta at biyahe nila sa ibang bansa para sumabak sa kumpetisyon.
“This is a hard decision to make, but one that needed to be done so we can continue caring for our athletes longer,” sabi ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez.
Binanggit ng PSC ang kakulangan sa pera ng National Sports Development Fund (NSDF), na nagmumula sa salaping ipinapadala ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).
Umaasa ang Pagcor sa kita na nagmumula sa mga casino, na naapektuhan ng mahigit dalawang buwan na lockdown bunga ng coronavirus (COVID-19) pandemic.
Sinabi rin ni Ramirez na kapag ang pondo ng NSDF ay bumalik na sa normal, ibabalik din nila sa dati ang mga allowance ng mga atleta.
“I just hope that they are going to use the 50 percent of our salaries helping with the pandemic,” sabi pa ni Alcantara. “Right now everyone must put in his share of sacrifices.”
Ang Philsports Arena at Ninoy Aquino Stadium ay ginawang quarantine centers ng PSC para sa COVID-19 patients.