ILANG beses nang sinabi ng TV host-comedian na si Willie Revillame na wala siyang planong pumasok sa mundo ng politika.
Matagal nang kinukumbinsi ng ilang political parties si Willie na tumakbo sa kahit anong posisyon sa gobyerno dahil tiyak na ang kanyang pagkapanalo.
Alam naman ng buong mundo na napakarami nang natutulungan ng veteran comedian, bukod pa sa mga taong nabibigyan niya ng bagong pag-asa sa pamamagitan ng programa niyang Wowowin sa GMA 7.
Kamakailan nga ay mismong ang OPM icon na si Marco Sison ang nagsabing kapag tumakbo si Willie sa susunod na eleksyon, siguradong iboboto siya ng mga tao.
Nag-guest kamakailan sa “Wowowin Tutok To Win” si Marco at talagang ibinandera niya ang paghanga at pagsaludo kay Willie dahil sa ginagawa niyang pagtulong sa mga nangangailangang Pinoy.
In fairness, talagang effort ang ginagawa ngayon ni Willie sa live episode ng Wowowin kung saan namimigay siya ng cash sa mga nakatutok gabi-gabi sa kanyang programa.
Pahayag ng TV host patungkol sa mga politiko, choice naman ng mga ito kung tunay silang maglilingkod at tutulong sa mga tao o kung magpapayaman lang sila sa pwesto.
Diin ni Willie, ang pinakamahalaga pa rin ay ang sinsero at malinis na hangarin ng isang public servant.
“Kung yumaman ka madadala mo ba sa libingan mo ‘yan?
“Sa ataul mo, pantalon mo, barong mo lang, baka wala ka pang brief, yun lang dala mo. Yung maiiwan mo hindi mo na alam,” pahayag ng komedyante.