HINDI umano napigilan ng sakit ang pumanaw na si Mayor Joni Villanueva-Tugna sa pagtulong sa mga taga-Bocaue, Bulacan.
Ayon kay Sen. Joel Villanueva noong Enero pa ay nalaman na ng kanyang kapatid na mayroon itong vasculitis.
“She got this vasculitis this January, compromised po ‘yung immune system niya. Unfortunately, during lockdown she feels she needs to go out and personally check everything,” ani Villanueva.
“Infection crept in and cost her life. She literally died because of her passion to serve her people, without fanfare.”
“She’s closest to me among my siblings, she would visit the Senate and would always be in awe, how we can serve our country and people,” ani Villanueva.
“I never thought na posible pa lang kidlatan ng dalawang beses ang isang puso,” saad ng senador na ang pinatutungkulan ay ang pagkamatay ng kanyang inang si Dory noong Marso at pagkamatay ni Joni.
Noong Huwebes pumanaw ang alkalde sanhi ng “sepsis secondary to bacterial pneumonia.” Siya ang may-bahay ni dating CIBAC Rep. Sherwin Tugna. Mayroon silang apat na anak.
Nag-viral ang ginawang pagbili ng alkalde ng mga gulay mula sa mga magsasaka sa Mt. Province. Ipinamigay niya ito sa mga residente ng kanyang bayan.
Naging abala rin ang alkalde sa pagpapaliwanag sa kanyang nasasakupan na hindi dapat pangambahan ang pagtatayo ng quarantine facility sa Philippine Arena.