NAMAHAGI ng libo-libong fried chicken si Davao City Mayor Sara Duterte sa mga distrito sa siyudad na pinakakonti ang naitalang kaso ng Covid-19.
Kabilang sa nabiyayaan ng fried chicken meal at inumin ang mga residente ng Clusters 4 at 5 na may limang distrito. Pito lamang ang naiulat na kaso ng sakit sa
Toril, Calinan, Tugbok, Baguio, at Marilog.
Base sa tala ng pamahalaang panlungsod, mayroong 106 kaso sa Poblacion district o Cluster 1; 43 at Clusters 2 at 3; at walo sa Cluster 6.
“Sana ay wala nang madagdagan sa mga positive n’yo. Iyan lang ang aking tanging wish para sa inyo–Tugbok, Toril, Calinan, Marilog, and Baguio,” ani Duterte habang namimigay ng mga pagkain sa Mintal gym sa Tugbok.
Naging payapa naman ang okasyon at sumunod sa social distancing protocol ang mga residente na nabigyan ng tulong.
Sa kasalukuyan ay mayroong 253 kaso ng Covid-19 ang siyudad kung saan mahigit 110 na ang gumaling.
Nasa ilalim ito ng general community quarantine hanggang sa Hunyo 15.