Año: Krimen bumaba ng 60% dahil sa lockdown

INIULAT kagabi ni Interior Secretary Eduardo Año ang pagbaba ng kaso ng krimen sa bansa ng 60 porsiyento matapos namang ipatupad ang lockdown dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).

“First of all, kung mayroong isang positive po na nadala ang COVID crisis na ‘to ay sa larangan ng peace and order,” sabi ni Año sa kanyang ulat kay Pangulong Duterte.

Idinagdag ni Año na mula noong Marso  17 hanggang Mayo 27, nabawasan ang walong pangunahing krimen ng 4,478 o 60 porsiyento.

Ayon pa kay Año, bumaba rin ang sunog sa bansa ng limang porsiyento matapos makapagtala ng 10,698 mula Enero hanggang Mayo 2020 mula sa dating 11,236.

“At sa mga namatay sa sunog: from 283 to 162; 43 percent down din po ang ating mga casualties mula sa fire. At sa ating mga violators naman po ng quarantine: 184,000 po; 467 ang nagkaroon ng mga violations at 54 percent po ay naaresto,” dagdag ni Año.

Sinabi pa ni Año na siyam na porsiyento ang winarningan lamang at 37 porsiyento naman ang pinagmulta.

Read more...