SINUNOG ng mga hinihinalang kasapi ng New People’s Army ang isang kapilya at apat na bahay sa Opol, Misamis Oriental, kaninang madaling-araw.
Naabo ang kapliya ng isang sekta ng born again Christian, at ang mga bahay ng mga sibilyang sina Edward Villiarias, Ronny Tingkang, Edmar Burlat, at Avilino Sambulay, ayon kay Col. Robert Roy Bahian, direktor ng Misamis Oriental provincial police.
Naganap ang panununog sa Zone 2, Brgy. Limonda, dakong alas-3:30.
Aabot sa 10 armado, na pinaniniwalaang tagasunod ni alyas “Decoy” ng Sub-Regional Committee 5 ng Guerilla Front 12, ang nasa likod ng panununog, ani Bahian.
Matapos silaban ang mga istruktura ay umalis din ang mga salarin habang sumisigaw ng “Mabuhay ang NPA” sabi naman ni Capt. Rene Belmonte, tagapagsalita ng Army 403rd Brigade.
Ayon kay Belmonte, bago ang insidente’y pinuwesra ng rebeldeng grupo ang mga taga-Limonda na magbigay ng pagkain, pero tumanggi ang mga residente.
“This enraged the NPAs who immediately set ablaze the church and houses,” aniya.
Kinundena ng PNP, Army, at lokal na pamahalaan ng Opol ang panununog.
“This only shows that these NPAs are not respecting the rights of the civilians that live peacefully in the far-flung areas, contrary to their claim that they are fighting for the people,” ani Col. Ferdinand Barandon, commander ng 403rd Brigade.
Malinaw na paglabag sa International Humanitarian Law ang insidente, aniya pa.
Nangako si Opol Mayor Maximino Seno na bibigyan ng tulong ang mga nasunugan, at pangangasiwaan ito sa tulong ng Army at pulisya.
Nagsasagawa pa ng pagtugis at imbestigasyon laban sa mga salarin, ani Bahian.