SAKALING buksan ang mga amusement parks sa Japan ay bawal nang sumigaw habang sakay ng rollercoaster, bawal nang makipag-apir sa mga mascot at, higit sa lahat, kailangan ng social distancing ng mga multo sa loob ng haunted house.
Kamakailan ay naglabas ng panuntunan ang mga park owners sa Japan kung paano makapago-operate nang ligtas sa gitna ng pananalanta ng Covid-19.
Kabilang sa rekomendasyon ay ang pagsusuot ng facemask sa lahat ng oras at pagbabawal na sumigaw habang sakay ng rollercoaster at iba pang rides.
Bawal din na makipagkamay at makipag-apir ang mga park staff na nakasuot ng mascot at superhero costumes sa mga bibisita sa park.
Hindi rin umano kailangang lapitan ng mga “multo” ang kanilang tatakuting mga biktima.
Kabilang pa sa inirerekomenda ng mga park operators ang pagbabawal ang pagsigaw habang nanonood ng laban ng mga superhero at mga kontrabida, paglilinis nang mabuti sa mga goggles na ginagamit sa mga virtual reality attractions, at pagbabawal sa pagdidispley ng mga pagkain at laruan ng mga vendors na kadalasang hinahawakan at nilalaro ng mga bata.
“These guidelines will not bring infections to zero, but will reduce the risk of infection,” ayon sa mga operators.