MARAMI ang nagtatanong: babaguhin pa ba ang lineup ng Gilas Pilipinas para sa 2014 FIBA World Cup na gaganapin sa Madrid, Spain?
Sa isang panayam, sinabi ni national coach Vincent “Chot” Reyes na kung siya lang ang masusunod ay wala nang pagbabagong dapat gawin sa Gilas Pilipinas.
“Sila ang naghirap para makamit natin ang silver medal. So sila rin ang dapat maglaro sa World Championship,” ani Reyes.
Bakit?
Meron bang nagsasabi na dapat baguhin ang komposisyon ng koponang ito para sa FIBA World Cup? Anybody in his right mind would agree na ang kasalukuyang lineup ng Gilas Pilipinas ang dapat ipadala sa Madrid, Spain.
Sa totoo lang hindi naman tayo nangangarap na magkampeon sa Worlds. Kahit na anong gawin natin, kahit na gaano pa kalaki ang pusong ipakita ng mga Pinoy basketball players malabo na marating natin ang tuktok sa torneong ito.
Biruin mong kalaban natin ang best of the best. Nandiyan ang United States na siguradong kakatawanin ng mga manlalaro buhat sa National Basketball Association.
Parang dream team na rin ‘yun dahil mga superstars ang lalaro para sa USA. Kaya ba ng mga Pinoy na banggain ang mga tulad nina Kyrie Irving at John Wall?
Ang mga ibang bansa na lalahok sa World Tournament ay sigurado ring kabibilangan ng mga NBA players. Kumbaga, malamang na ma-awe-struck ang mga Pinoy basketeers sa World Cup.
Hindi naman natin sinasabing hindi tayo lalaban. Siguradong ibubuhos pa rin natin ang makakaya natin at ipakikita sa buong mundo ang ating puso.
Subalit malamang na hindi iyon maging sapat. Noong 1978 ay lumahok tayo sa World Championship sa huling pagkakataon. Ito’y bunga ng pangyayari na tayo ang host country at automatic na kasali tayo sa torneo.
Sa torneong iyon ay hindi tayo nagwagi ni isang laro dahil talaga namang nahirapan tayo kontra sa mga mas matatangkad at mas mabibilis na kalaban.
Kaya naman hindi nag-iilusyon si coach Chot na mararating natin sa World Cup ang narating natin sa nakaraang 27th FIBA Asia Tournament kung saan sumegunda tayo sa Iran.
Ayon kay coach Chot magiging masaya na siya kung aabot tayo sa second round ng World Cup. Iyon ay maituturing niyang isang malaking karangalan para sa Pilipinas.
I concur! Kaya naman sa aking pananaw e hindi na dapat baguhin pa ang lineup ng Gilas Pilipinas. Kung mayroong pagbabago, isa lang ang aking panukala.
Pwede na nating hindi isama sa torneong iyon ang naturalized player na si Marcus Douthit at halinhan na lang siya ng isang tunay na Pinoy.
Malaki ang ating pasasalamat kay Douthit dahil natulungan niya tayo sa nagdaang FIBA Asia meet. Pero marahil sa World Cup ay nararapat na all-Pinoy na lang tayo.