KLARO ang Constitution, ang lahat ng kapangyarihan (emergency power) na pinagkaloob ng Kongreso sa Pangulo alinsunod sa Article 6, Section 23 (2) ay matitigil sa susunod na adjournment ng Kongreso.
Ang sine die adjournment ng Kongreso ay nakatakda sa June 5, 2020. Ito ay tinakda ng Constitution sa ilalim ng Article 6, Section 15, kaya obligado ang Kongreso na mag sine die adjournment sa nasabing araw.
Wala na ring silbi kung ang Kongreso ay magpasa ng isang batas para palawigin o i-extend ang Bayanihan Law BAGO mag June 5, 2020. Ito ay dahil titigil din at mawawalan ng bisa pag nag adjourn na ang Kongreso sa June 5, 2020.
Halimbawa, nagpasa ng batas ang Kongreso sa June 3,2020 para palawigin at i-extend ang Bayanihan Law ng panibagong 3 buwan mula June 25, 2020 o hanggang September 25, 2020. Ang batas na ito, na isa lamang extension na naunang emergency power, ay magiging epektibo lamang din hanggang June 5, 2020 dahil sa araw na ito, ang Kongreso ay mag si-sine die adjournment.
Maaari lang gumawa at magpasa ang Kongreso ng BAGONG batas na katulad ng Bayanihan Law pagkatapos ng June 5, 2020. Ito ay maaari sa isang special session na ipapatawag ng Pangulo o sa muling pagtitipon ng Kongreso sa regular session na magaganap sa July 27, 2020.
Kaya oras na magdeklara ang Kongreso ng adjournment sa June 5, 2020 THE END na ang Bayanihan Law at kasama ditong maglalaho ang emergency power ng Pangulo.
Para sa kaalaman ng lahat, ang isang batas na maituturing isang “emergency power law” na pinasa ng Kongreso na alinsunod sa Article 6, Section 23 (2) ng Constitution, kagaya ng Bayanihan Law ay magwawakas at titigil sa mga sumusunod na unang pangyayari:
1. Pag binawi ng Kongreso sa isang resolution sa anumang araw;
2. Sa susunod na adjournment ng Kongreso;
3. Sa petsang itinakda ng Kongreso.
Alinman sa tatlong ito ang unang mangyari ay matitigil at magwawakas ang pinagkaloob na emergency power sa Pangulo.
Kaya sa June 5, 2020 the end na ang emergency power ng Pangulo na nakapaloob sa Bayanihan Law, dahil sa araw na ito, ang Kongreso ay inaatasan ng Constitution na mag adjourn.
Wala na din paraan para ma-extend ito bago mag June 5, 2020.