‘Tumatawid sa amin ang krus na pinapasan ng mga nagtatrabaho sa ABS-CBN’

MARAMI kaming nakakuwentuhang mga dating katrabaho sa ABS-CBN.

Kung ang matinding negatibong epekto lang ng ECQ ang iniintindi natin ay doble ang sa kanila.

    Pagkatapos ng lockdown ay meron pang babalikan ang mga pinagbawalang magtrabaho, pero sila ay wala na, hanggang hindi nakakakuha ng bagong prangkisa ang kanilang network.

    Tumatawid sa amin ang krus na pinapasan ng mga nagtatrabaho sa ABS-CBN. Hindi simple ang magpalipas nang maghapon na hindi nila inaalala ang magiging kinabukasan nila.

    Napakahirap ng kanilang sitwasyon, nakalutang sila sa paghihintay, paano na nga naman ang kapakanan ng kanilang mga pamilya?

    “Alangan namang sabihin ko sa mga anak ko na huwag na muna silang kumain. Saka na lang, kapag may franchise na uli ang pinagtatrabahuhan ko,” malungkot na sabi ng isa naming kaibigan.

    Ang pinakamahirap sa buhay na ito ay ‘yung wala ka nang babalikan. ‘Yun ang nawawala na ngayon sa maraming nagtatrabaho sa istasyon, lalo na’t buhay na buhay pa sa kanilang isip ang sinabi nu’n ni PRRD na anuman ang mangyari ay hinding-hindi nito hahayaang makapagsahimpapawid pa ang network, parang punyal ‘yun na nakatarak sa puso at isip nila.

    Sa kasalukuyang panahon ay pag-asa ang nawawala na sa mga empleyado at artista ng istasyon, matagal kasi ang kailangan nilang ipaghintay, kaya ang iniintindi nila ay kung paano ang kanilang gagawin sa pagitan ng kanilang paghihintay.

    Masuwerte ang mga personalidad na nakapag-ipon habang kumikita sila nang milyones, wala silang iniintindi, kaya nga lang ay puro palabas ang pera nila at walang pumapasok.

    Nakakapanibago ang pagkawala ng ABS-CBN sa himpapawid. Talagang anumang nakasanayan na ay hinahanap-hanap natin. 

Naliligaw pa rin paminsan-minsan ang aming mga daliri sa remote control.

    Napipindot namin ang numero dos, kapag nakita na naming blangko ang screen ay saka kami magugulat, oo nga pala.

    Hindi natin ikinatutuwa ang ganitong pangyayari, lalo na’t alam nating napakaraming apektado sa pagkawala ng network, buhayin natin sa ating mga puso ang pag-asa na isang umaga ay magigising na lang tayo na nandiyan na pala uli ang ABS-CBN.

Read more...