SUNSHINE inuuntog pa raw sa pader ni CESAR, walang magawa kundi mag-iiyak


Magandang magbuwena-mano sina Kris Aquino at James Yap dahil pagkatapos nilang mag-file ng Temporary Protection Order at nagkasuhan ay sumunod agad ang nagbabangayang mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto.

Pananakit ang bintang ni Claudine sa aktor, isang kuwentong hindi pinaniniwalaan ng mga tunay na nakakakilala kay Raymart Santiago, meron pang mga isinumiteng larawan ang aktres na patunay diumano kung paano ito saktan nu’n na kanyang kaalitang mister ngayon.

Hindi pa man nareresolbahan ang istorya nina Raymart at Claudine ay umagaw na agad ng atensiyon ang ginawang pagsasampa ng TPO ni Sunshine Cruz, inaakusahan niya naman ng iba’t ibang uri ng pangmamaltrato sa kanyang pagkababae si Cesar Montano, mas detalyado ang asuntong isinampa ni Sunshine dahil pati ang mga text messages sa kanya ng aktor ay nailahad niya sa korte.

Pagkatapos ibigay ng hukuman ang hinihingi niyang TPO ay PPO (Permanent Protection Order) na ang hinihingi ngayon ni Sunshine bilang proteksiyon nilang mag-iina.

Dinagdagan pa niya ‘yun ng isang kaso, ang paglabag diumano ni Cesar sa R.A. 9262, lalo na ang ginawa nitong panggagahasa sa kanya nu’ng nakaraang Mayo.

Ayon sa aktres, sa loob nang labintatlong taon ay nanahimik lang siya sa mga ginagawang pambabastos ng aktor sa kanyang pagkatao, wala siyang sinabing anuman, dahil pilit niyang pinagtatakpan ang mga ginagawa nito sa kanya bilang pagrespeto sa ama ng kanilang mga anak.

Pero ang pasensiya ayon kay Sunshine ay humuhulagpos din, sumusuko rin sa pagmamahal ang emosyon ng babae, lalo na kapag nakakatikim siya ng pisikal na pananakit sa kanyang kapareha.

Binubugbog daw siya ni Cesar, kung minsan ay iniuuntog pa sa pader, iyak lang daw ang kanyang panlaban sa mga ganu’ng pagkakataon.

Ipinakita rin ng aktres ang mga mensahe sa kanya ni Cesar kung saan siya pinagmumura nito at inaalipusta, pinagbabantaan din daw siya ng ama ng kanyang mga anak, kaya nagdesisyon na siyang makipag-usap sa kanyang abogado para makapagsumbong sa husgado. Isa rin itong nakapanghihinayang na relasyon. Napakaganda ng simula pero biglang umasim.

( Photo credit to Google )

Read more...