Marcial nilinaw ang isyu vs ABAP

Pinabulaanan ng national boxer na si Eumir Marcial na mayroong namuong alitan sa pagitan nila ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) bunga ng desisyon nitong pasukin ang mundo ng professional boxing.

Nilinaw ni Marcial na bagaman sumangguni siya ng ibang tao sa labas ng asosasyon ay buo pa rin ang pananalig niya sa ABAP na siyang kaagapay pa rin niya sa kanyang misyong makakuha ng gintong medalya sa 2020 Olympics sa susunod na taon.

Aniya, nakikipag-usap na sina ABAP president Ricky Vargas at secretary-general Ed Picson sa kanyang professional boxing managers at sinuguro niyang hindi hadlang ang pagiging pro boxer niya para lumaban siya sa Olympics.

“Alam ko naman na ang ikabubuti ko ang hangad nina Mr. Vargas at Sir Ed. Kanilang pag-aaralan ang mga alok, at ilalatag nila sa akin ang mga iyon at nasa akin pa rin ang huling desisyon,” sabi ng 25-anyos na airman ng Philippine Air Force.

Suportado naman ng ABAP ang balak ni Marcial na maging pro.

“Mr. Vargas and I spoke with renowned professional boxing manager Shelly Finkel and our conversation was frank, cordial and enlightening. Of course we told him that we would also like to hear from other interested parties,” sabi ni Picson.

“If we were to stop Marcial from exploring professional boxing opportunities, why would we speak with those interested in him? We just want to ensure that Eumir gets the best deal possible and that it will not conflict with the Olympic goal.”

Humingi naman ng paumanhin ang multi-medalist boxer ng Zamboanga sa pamunuan ng ABAP sa mga balitang lumabas na nagpahiwatig ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan niya at ng ABAP.

“Nag-text na nga ako kay Mr. Vargas para mag-sorry. Hindi ko talaga magagawa na masaktan ang mga opisyal at mga kasamahan ko sa ABAP,” sabi pa ni Marcial.

Dahil sa banta ng COVID-19 pandemic ay ipinagpaliban sa 2021 ang 2020 Olympic Games.

Read more...