Daniel: Nalampasan na namin ni Kathryn ang isang pagsubok 

DANIEL PADILLA AT KATHRYN BERNARDO

GRABE ang paghanga ni Daniel Padilla sa pagiging aktres ng kanyang girlfriend na si Kathryn Bernardo.

Sa bawat eksena raw na ginagawa nila para sa pelikula at teleserye ay talagang nadadala siya kaya naman lumalabas din nang natural ang reaksiyon niya sa bawat binibitiwang dialogue.

Muling humarap sa madlang pipol si Daniel sa ginanap na Actors’ Cue Series para sa #ExtendTheLove fundraising campaign na tumutulong din sa mga naapektuhan ng lockdown dulot ng COVID-19 pandemic. 

Dito, inamin ni Daniel na isa sa pinakamatinding challenge sa kanya bilang aktor ay ang pagiging leading man ni Kathryn sa loob ng mahigit siyam na taon.

“Nine and a half years na yata kaming magkasama sa lahat ng rom-com at drama na pelikula. Mahirap kasi ang dami na naming nagawa, eh. 

“Ang dami na naming pelikulang nagawa at laging challenge yung, ‘O, paano na ‘to ngayon? Paano niyo iibahin na naman ’to?’ 

“Kaya nu’ng magsisimula kami ng The Hows of Us ang daming question sa aming dalawa na baka hindi na panoorin or baka hindi na kumita yang pelikula niyo dahil parang lahat ay nagawa niyo na. 

“Du’n na siguro papasok yung character nu’ng pelikula mismo kasi du’n namin nilalagay na hindi naman kami yun, eh. It’s a character na pino-portray namin. So mas challenging siya yet mas satisfying din lalo pag positive yung outcome ng pelikula,” tuluy-tuloy na pahayag ni DJ.

Patuloy pa niya, “At least na-overcome na naman yung pagsubok na yun sa aming dalawa ni Kathryn. Hindi siya madali at kailangan naming trabahuin, kailangan ibahin. Kasi kung pare-pareho lang, wala namang mangyayari na, di ba? At kung si Kathryn at si Daniel eh, sana reality show na lang ginawa nu’n.

“Nagpapasalamat ako siyempre dahil ang laking tulong nga ng mga director namin na dagdag mata ay mas maigi, mas maraming sumisita, mas maganda. Lagi kong tini-take yung mga sita ng tao sa set, eh.

“Kapag sinasabi nila na, ‘Teka DJ parang ginawa mo na yan, ah.’ Kahit sila minsan nagsa-suggest sila ng puwede naming gawin. At tinatanggap ko yun kasi siyempre iba yung mata nila, eh, iba yung nakikita nila. 

“So hindi puwedeng memorize mo lang yung script mo tapos bahala na kung paano mo ibabato. Dapat alam mo rin sa sarili mo paano mo babaguhin itong linya na ‘to? It’s a collaboration din,” paliwanag ng tinaguriang King of Hearts.

Inalala pa ng Kapamilya actor ang isang eksena nila noon, “Meron kaming confrontation scene sa bahay nu’ng brownout, sabi ko, ‘Hayup itong si Kathryn na ’to.’

“Paano niya nakukuha at paano niya nasu-sustain yung emosyon at yung haba ng linya na siyempre di ba, pag nilagay ko yung sarili ko du’n hindi ko yata kaya yun. 

“Yun yung nadadala ka eh, yung emotion na yun biglang makakalimutan mo yung mga camera sa paligid mo biglang, ‘Ano ‘to? Nag-aaway ba talaga tayo?’ Parang alam mo yun?” pahayag pa ng binata. 

Read more...