GUSTO mong malaman kung gaano kamahal ni Manila Mayor Erap ang mga mahihirap?
Patuloy na basahin n’yo ang sumusunod.
Sinamahan ko ang aking kaibigang negosyante kay Erap upang hilingin sa alkalde na matulungan siyang paalisin ang mga squatters sa sidewalk na harap ng kanyang lote sa V. Mapa St., Sta. Mesa.
Balak kasi ng aking kaibigan na gawing business establishment ang kanyang lote.
Walang papasok sa kanyang magiging tindahan kapag nandoon ang mga squatters sa sidewalk na harap ng business establishment.
Ang negosyo ay magbibigay ng malaking pera sa gobiyerno sa pamamagitan ng buwis.
Sa ilalim ng batas, puwedeng alisin ng City Hall ang mga squatters sa sidewalk dahil ito’y pang-pedestrian lamang.
The occupation by the squatters of the sidewalk endangers the lives of pedestrians dahil lumalakad na sila sa kalye na maraming rumaragasang sasakyan.
Papanigan ng korte ang City Hall kapag pinaalis nito ang mga squatters sa sidewalk kahit na may tinatawag na stupid Lina Law.
Pero pumanig si Erap sa mga squatters.
Sinabi niya sa aking kaibigan na kailangang bigyan muna sila ng relocation site bago sila paalisin sa sidewalk.
Kailangan ding bigyan sila ng pera upang matugunan ang kanilang pangangailangan sa kanilang bagong tirahan, sabi ni Erap.
“Kahit na aso ay kailangan ng masilungan kapag umuulan, ang tao pa kaya?” sabi ng dating aktor na karamihan ng movie roles ay tagapagtanggol ng inaapi.
“To whom much is given, much is expected,” ani Erap.
“Tayong mga pinagpala ay dapat tumulong sa mga kapus-palad,” dagdag ng mayor.
Nandoon ang inyong lingkod nang sabihin ni Erap sa aking kaibigan ang mga katagang yun.
Kahit na hindi pinaunlakan ni Erap ang aking kaibigan, naintindihan namin siya.
Bagkus ay mas lalo ko siyang hinangaan.
Napatunayan ko na ang kanyang simpatiya sa mga mahihirap ay hindi pakitang-tao.
Napag-alam ko sa kanyang mga kapatid noon pa man na noong bata pa si Erap, palagi siyang napapalo ng kanyang mga magulang dahil nagnanakaw siya ng pagkain sa kanilang hapag kainan upang ipamigay sa mga batang mahihirap na kanilang kapitbahay.
Kailangan nang alisin ang pork barrel sa mga kongresista at senador dahil sa nabunyag na P10-billion pork barrel scam.
Ang pork barrel ay pinagmumulan ng corruption ng mga mambabatas.
Ang pork barrel ay binibigay sa mga mambabatas upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga constituents, gaya ng pagpapagamot ng mahihirap at pagpapatayo ng farm-to-market roads.
Pero nakita natin kung paano inabuso ng ilang kongresista at senador ang kanilang pork barrel sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan diumano kay Janet Lim-Napoles.
Nakita natin na walang perang napunta sa taumbayan kundi sa bulsa nina Napoles at mga kasabwat niyang mga mambabatas.
Kahit na di pa nailalantad ang P10-billion pork barrel scam, alam natin na kapag naglaan ng pondo ang isang mambabatas sa isang proyekto, napupunta sa kanya ay 20 porsiyento sa halaga ng proyekto.
May mga ibang garapal na mambabatas na humihingi ng 30 hanggang 40 porsiyento sa halaga ng proyekto.
Kaya tuloy, sub-standard ang mga gusali o daan na galing sa pork barrel.
Hindi na kailangan na imbestigahan si Janet Lim-Napoles ng Senado sa diumano’y P10-billion pork barrel scam.
Tiyak na kapag nag-imbestiga ang Senado, maraming mga senador na sasakay sa isyu hindi dahil gusto nilang makatulong sa bayan kundi ipakita ang kanilang pagmumukha sa camera.
Kung gusto ng government investigators na malaman ang tunay na pagkatao ni Napoles at kanyang mga kalokohan ay basahin na lang nila ang transcript ng interview sa kanya ng mga editors, columnists and reporters ng INQUIRER.
Ang INQUIRER ay sister publication ng Bandera.
Ang transcript ng interview kay Napoles ay ginawang series sa front page ng INQUIRER.