INIHAHANDA na ng Department of Trade and Industry ang protocols para sa muling pagbubukas ng mga salons, barbershop at dine-in restaurants para sa mga lugar na nasa general community quarantine dulot ng coronavirus pandemic.
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, sinasakop ng protocols ang dami ng mga customers, sanitation, temperature checks, sterilization ng kagamitan, at cashless payment method.
Ang mga ihahayag na protocols ay ibibigay sa Inter-Agency Task Force para sa kanilang approval.
“Kapag naapprove na ang system, ikakalat na ang protocol para makapagprepare na sila. Mga one week or at most two weeks. Assuming na nasa GCQ na tayo, siguro mga around June 7, hopefully bago mag June 15 ay mapayagan na sila.” ani Lopez sa interview sa ABS-CBN Teleradyo.
Bukod dito, pinag-aaralan pa ng DTI kung ang mga salons, barbershop at dine-in restaurants ay kinakailangan pang sumailalim sa isang local government unit accreditation process.
Inaasahang maimplement ang protocols para sa mga lugar na nasa GCQ bago mag June 15.