MAHUSAY sa paghawak ng schedule si Alden Richards.
Madisiplina siya pagdating sa oras. ‘Yun ang dahilan kung bakit wala tayong naririnig na nagrereklamong production staff sa pagtatrabaho ng Pambansang Bae.
Hindi bale nang siya ang maghintay, huwag lang siya ang magpahintay, ‘yun ang palaging pinaiiral ng sikat na aktor sa linya ng kanyang propesyon.
May panahon siya para sa trabaho, para sa pakikipag-bonding sa kanyang pamilya at mga kaibigan, may panahon din siya para regaluhan ang kanyang sarili sa paglalaro ng Mobile Legends.
Du’n natin masusukat kapag mahal ng artista ang kanyang trabaho, laging nandu’n ang pagpapahalaga, inaayos niya ang kanyang oras sa maghapon para hindi siya nakakatapak ng karapatan ng ibang tao.
At ngayong panahon ng lockdown ay maayos pa ring nakasalansan ang kanyang mga ginagawa sa maghapon.
Hindi niya nakakalimutan ang pag-eehersisyo kaya naman ganu’n katipuno ang kanyang katawan, siya ang tagapunta sa grocery ng kanyang pamilya, may sapat na panahon din siya para asikasuhin ang mga ipinundar niyang negosyo.
At ang nakakatuwa, ihinahanap din niya ng panahon ang pagsagot sa text, kami mismo ang makapagpapatotoo ng husay niyang mag-atado ng kanyang oras.
Hindi lilipas ang maghapon nang hindi niya sinasagot ang mga text ng pangungumusta sa kanya, mapagmalasakit at mapagmahal siya sa mga kaibigan, kaya naman sobrang dami rin ng nagbabalik ng importansiya at pagmamahal sa kanya.
Sana’y huwag pagbaguhin ng kasikatan si Alden Richards, manatili sanang nakatapak sa lupa ang kanyang mga paa, huwag sana siyang magpapadala sa mga sigaw at palakpakan na wala namang ibinibigay na garantiya sa karera ng mga artista.