2 patay, P81.6M shabu nasabat sa Taguig

DALAWANG drug suspect ang napatay at P81.6 milyon halaga ng shabu ang nasabat sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Taguig City, kagabi.

Nakilala ang mga napatay bilang sina Ryan Labanderia, 26, residente ng Ormoc City, Leyte, at Ervyn Querobin, 35, ng Cebu, ayon sa ulat ng National Police.

Isinagawa ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office at PNP Drug Enforcement Group (DEG) ang operasyon dakong alas-7, sa C-6 road, Lower Bicutan.

Nakutuban umano nina Labanderia at Querobin na puis ang ka-transaksyon kaya sinubukang tumakas lulan ng mga sasakyan.

Tinugis sila ng mga tauhan ng DEG at nakipagbarilan pa sa mga ito kaya napatay, ayon sa ulat.

Nakuhaan ang mga suspek ng aabot sa 12 kilo ng umano’y shabu na nakapaloob sa mga Chinese tea bag.

Narekober sa kanila ang P1 milyon buy-bust money, isang asul na Toyota Altis (XNC-631), itim na Nissan Navarra, isang kalibre-.45 pistola, at KG-9 sub-machine gun.

Dinala na ang nasabat na droga sa PNP Crime Laboratory para masuri.

Pinuri ni PNP chief Gen. Archie Gamboa ang NCRPO at DEG, at tiniyak na patuloy na magsasagawa ang pulisya ng operasyon laban sa krimen kahit tumutulong sa pagbabantay laban sa 2019-Coronvirus disease.

“We will be relentless in our pursuit of criminals even as we are facing the challenges of the COVID-19 pandemic,” aniya.

Read more...