DINAKIP ang abogado makaraang magpumilit na dumaan sa fastlane na nakalaan lang sa mga frontliners kagabi sa Makati.
Hindi naman pinangalanan ng pulisya ang abogado, 53 at residente ng Ayala Alabang, na wala rin umanong naipakitang lisensya.
Base sa ulat, pinara para inspeksyunin ng mga pulis na nagbabantay sa quarantine control point sa Osmeña Highway ang isang Mercedes Benz na dumaan sa fast lane.
Nang walang maipakitang rapid pass na ID mula sa Inter-Agency Task Force on COVID-19 Response ay pinababa ang driver ng mga pulis. Pero imbes na humingi ng paumanhin ay nag-angas pa umano ang driver, na nagpakilalang abogado, at sinabing pabayaan na siyang makadaan sa fast lane dahil “simpleng bagay lang ‘yan “
Sa gitna ng argumento ay hiningi ng mga pulis ang driver’s license ng abogado.
Nang wala itong maipakitang lisensya, dinakip na siya ng mga alagad ng batas.