IPINASA ng Kongreso noong March 23, 2020 ang RA No. 11469 o mas kakilala sa tawag na Bayanihan Law at ito ay naging epektibo noong March 25, 2020.
Sa Bayanihan Law, dineklara ng Kongreso na ang buong Pilipinas ay nasa State of National Emergency dulot ng COVID-19 crisis. Binigyan din dito ng Kongreso ang pangulo ng iba’t ibang pansamantalang kapangyarihan (delegated power) para labanan at puksain ang lumalalang COVID-19 crisis.
Sa Section 9 ng Bayanihan Law, itinakda na ang nasabing batas ay magiging epektibo lamang ng tatlong buwan maliban na lang kung ito ay binawi ng mas maaga ng Kongreso.
Ang Bayanihan Law ay naging epektibo noong March 25, 2020 kaya dapat ito ay may buhay pa hanggang June 25, 2020.
Pero dahil itinakda ng Constitution sa Article 6, Section 23 (2) na ang pinagkaloob na pansamantalang kapangyarihan sa pangulo ay mawawala sa susunod ng pagtindig ng pulong (such power shall cease upon the next adjournment thereof), ang Bayanihan Law ay hanggang June 5, 2020 na lang. Ito ay dahil sa araw na ito, ang session o pulong ng Kongreso ay magwawakas (adjournment).
Kaya pagdating ng June 6, 2020, ang mga kapangyarihan na pinagkaloob ng Kongreso sa pangulo, gaya ng pagbibigay ng financial aid sa mga mahihirap at iba pang mga nakapaloob sa Bayanihan Law ay hindi na magagamit nito.
May legal naman na paraan para ang Bayanihan Law ay manatiling epektibo hanggang sa June 25, 2020 o sa pangatlong kabuwanan nito.
Kailangan magpatawag ng special session ang pangulo mula June 6, 2020 hanggang June 25, 2020. Kapag nagkaroon ng special session mula June 6, 2020 hanggang June 25, 2020, ang Bayanihan Law ay mananatiling buhay at epektibo hanggang June 25, 2020. Ito ay dahil ang June 25, 2020 at hindi June 5, 2020 ang magiging huling pagtitipon o session (last adjournment) ng Kongreso.
Sa June 25, 2020 din ang ikatlong kabuwanan ng Bayanihan Law. Kaya ito ang huling araw ng epektibo ng nasabing batas.
Maaari rin gawin ang special session mula June 6, 2020 hanggang July 24, 2020 pero ang epektibo ng Bayanihan Law ay mananatiling hanggang June 25, 2020 lamang.
Kung sakali naman na ang Kongreso ay nag special session hanggang July 24, 2020 at ito ay nagpasa ng isang batas na katulad ng Bayanihan Law o yung batas na ipinasa alinsunod sa Article 6, Section 23 (2) ng Constitution, ito ay magiging epektibo lamang hanggang July 24, 2020. Ito ay dahil ang huling session o pagtitipon ng Kongreso ay magwawakas (adjournment) sa petsang July 24, 2020.
Kapag hindi naman nagpatawag ang pangulo ng special session, ang Bayanihan Law ay mawawalan ng buhay mula June 6, 2020. Maaari na lang ulit talakayin at ipasa ng Kongreso ang bagong Bayanihan Law sa regular session na mangyayari simula July 27, 2020.
Ang ibig sabihin, mula June 6, 2020 hanggang July 27, 2020, kung sakaling may COVID-19 crisis pa din, walang batas na katulad ng Bayanihan Law na magagamit ang pangulo para labanan at sugpuin ang COVID-19 crisis.
Kung magpatawag ang pangulo ng special session, maaari naman dinggin at talakayin ng Kongreso ang iba’t-ibang panukalang-batas na nakabinbin dito, kasama na ang ABS-CBN franchise bill.
May sapat na panahon pa ang Kongreso, kung magkakaroon ng special session, para dinggin at talakayin ang lahat ng issues sa ABS-CBN franchise bill.
May sapat din na panahon ang Kongreso para magdesisyon kung ipapasa o hindi ang ABS-CBN franchise bill.
Makakabalik sa ere ang ABS-CBN bago mag July 2020 kung ito ay papalarin.