PBA ihahanda na ang team training

DAHAN-DAHAN nang inuumpisahan ng Philippine Basketball Association (PBA) ang pagsisimula ng kanilang naantala na Season 45.

Ayon sa official website ng PBA, nagpulong ang Board of Governors nitong Miyerkules para talakayin kung paano babalik ang mga koponan sa kani-kanilang training facilities para sa conditioning exercises ngayong ililipat na ang Metro Manila sa general community quarantine (GCQ).

Maraming sports activities ang papayagan sa ilalim ng GCQ subalit ang full-contact 5-on-5 basketball ay puwede lamang ilaro kapag ang lahat ng lockdown protocols ay tuluyan ng inalis.

Sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial na bagamat pinaplano na nila na ang mga players ay magkita-kita sa kanilang workout kailangang naaayon pa rin ito sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF).

“What we’re looking at eh makabalik lang for conditioning exercises ang mga players natin,” sabi ni Marcial. “Hindi kami nagmamadali. Health and safety of all remain our paramount concern.”

Nakabakasyon ang liga magmula pa noong Marso 11 matapos magsagawa ng isang laro sa pagitan ng defending champion San Miguel Beermen at Magnolia Hotshots sa pagbubukas ng Philippine Cup.

Samantala, nakahandang magbalik sa trabaho ang mga empleyado ng PBA Commissioner’s Office ngayong darating na Lunes matapos na masuri sa coronavirus (COVID-19) at ma-disinfect ang opisina ng liga.

Sinabi pa ni Marcial na ang mga tauhan nito ay magsasalitan sa pagpasok kung saan kalahati lamang ng mga empleyado nito ang papasok sa trabaho kada araw.

“Kapag lumabas na resulta ng test at meron nang transportation, then we’ll be back to normal office duty,” ani Marcial.

Read more...