HABANG tigil muna sa taping ang kanyang pinagbibidahang GMA series na Bilangin Ang Bituin Sa Langit dahil sa banta ng COVID-19, ginugugol pa rin ni Superstar Nora Aunor ang kanyang oras sa makabuluhang mga bagay.
Pero siyempre, hangga’t may pagkakataon, nais pa rin niyang makapagpasaya ng tao sa pamamagitan ng pag-arte kahit na nga naka-quarantine pa ang halos lahat ng Pinoy.
Sa kanyang ika-67th na birthday kahapon, muling nasaksihan ng publiko ang galing ng Superstar bilang isang tunay na alagad ng sining.
Inihandog ni Ate Guy ang kwento ng isang lolang frontliner na kinakausap ang kanyang mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng serye ng videos sa online monologue na “Lola Doc.”
Pag-amin pa ng Superstar, kakaiba raw ang umarte na hindi tao ang kaharap hindi screen, “Noong ginagawa ko po ito parang gusto ko nang sumuko.
“Talagang hirap na hirap po ako. Iba po pala talaga ‘yung gumagawa ka ng eksena na wala kang kausap. Para kang loko-loko na kinakausap mo, wala,” aniya pa.
Ang “Lola Doc” ay mapapanood sa Facebook page ng Tanghalang Pilipino bilang parte ng kanilang PangsamanTanghalan o alternative space para magdaos ng mga pagtatanghal habang nasa ilalim ng ECQ ang ilang bahagi ng bansa.
Samantala, napapanood naman ang rerun ng Stairway to Heaven sa timeslot ng Bilangin Ang Bituin sa Langit sa GMA Afternoon Prime.
* * *
Binabantayan pa rin ng Kapuso actress na si Sanya Lopez ang kanyang kalusugan kahit na umiiral ang community quarantine.
Ayon kay Sanya, siya na mismo ang nagluluto ng kanyang mga kinakain para mabantayan niya ang kanyang diet.
“Ngayon po, nagkaroon na ako ng time mag-workout nang mas matagal. Ako na rin po mismo ang nagluluto ng sarili kong pagkain para mas nababantayan ko po ‘yung diet ko.
“At tine-take advantage ko na rin itong panahon na ‘to para makatulog nang mas matagal,” aniya.
Samantala, kasalukuyang ipinalalabas muli ang requel ng Encantadia sa GMA Telebabad pagkatapos ng 24 Oras kung saan gumanap si Sanya bilang Sang’gre Danaya.
“Nakakatawa po dahil kung noon po ay marami nang nakanood ng Encantadia, ay mas marami pa po ang nanonood ngayon dahil quarantined. Alam niyo naman po na napakahalaga po sa akin ang Encantadia dahil dito po ako nabigyan ng break,” ayon sa Kapuso actress.