Eumir Marcial nagpatulong sa archery chief tungkol sa buwis

EUMIR Felix Marcial  INQUIRER

SERYOSO na talaga ang national boxer na si Eumir Marcial na sumampa sa pro ranks kaya naman sinimulan na niyang pag-aralan ang tungkol sa pagbubuwis.

At nagpatulong na rin si Marcial kay archery chief Clint Aranas, na isang abogado, tungkol sa pag-aayos ng income tax.

“Marami na po kasi akong nabalitaan, nabasa na mga stories ng mga professional boxing champions na sumikat, yumaman pero sa huli halos ubos ang pera nila. Madalas iisa ang dahilan, nagkaproblema sa taxes nila,” sabi ng Southeast Asian Games middleweight champion.

Kumpiyansa naman si Marcial na sa tulong ng mga abugadong tulad ni Aranas hindi siya magkakaproblema tungkol sa kanyang mga buwis.

“’Yun lang naman ang gusto ko iwasan at mapag-aralan kung paano ang taxation kapag nag-professional na po ako. Habang maaga, maging pamilyar na ako para walang hassles sa mga obligasyon ko sa tax,” dagdag pa ni Marcial.

“Recommended po si Atty. Clint at alam ko mas maiintindihan niya ang  kalagayan ko kasi NSA (national sports association) leader po siya kaya may puso talaga para sa mga atleta na tulad ko.”

Nauna nang naibalita sa Inquirer na nagdesisyon na si Marcial na umakyat sa professional ranks bagamat nagpahiwatig na siya sa kanyang NSA, ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP), na tutuparin pa rin niya ang pangarap na makapag-uwi ng gintong medalya sa Summer Olympic Games sa Tokyo.

Mas nagkaroon po ako ng confidence na magiging successful ako hindi lang as boxer kungdi as someone na magkakaroon ng business dealings dahil may isang lawyer po ako na makakasama at mapapagkatiwalaan,” sabi pa ni Marcial.

Read more...