Marian nagluto ng ‘Arroz ala Cubana’ para sa frontliners; Dingdong nag-join sa relief mission

PATULOY ang pagtugon ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes sa sinumpaang tungkulin bilang isang navy reservist.

Kahapon, personal na sinamahan ng aktor ang kanyang mga colleagues sa Marine Affiliated Reserve Combat Service Support Batallion (MARCSSBn) sa panibagong relief mission para naman sa mga kapwa niya reservists na nagbabantay ng mga checkpoints.

Bukod sa relief goods at mga PPE para sa mga  uniformed personnel na maituturing ding frontliners laban sa COVID-19, namigay din sila ng food packs na niluto at ni-repack mismo ng misis ni Dingdong na si Marian Rivera.

Sa kanyang Instagram page, ipinost ni Dingdong ang mga litrato na kuha sa kanilang relief mission na aniya’y isang paraan din ng pagbibigay-pugay sa mga sundalong nagbubuwis din ng buhay sa paglaban sa krisis. 

“Isang pagpupugay at pasasalamat sa lahat ng reservists na volunteers at ilang linggo nang naka-deploy sa iba’t ibang lugar sa Luzon para tumulong sa ating mga kababayan,” caption ni Dingdong sa kanyang post suot ang kanyang camouflage uniform.

Sa mga hindi pa nakakaalam, mula sa ranggong master sergeant, na-promote si Dingong sa pagiging lieutenant commander sa bisa ng kautusan ng Philippine Navy.

Samantala, speaking of Marian, muli nga siyang nagluto ng special home-cooked meals para sa frontliners na nasa mga checkpoints.

Ipinost ni Marian sa IG ang ginawa nilang preparasyon sa pagluluto na may caption na, “Arroz ala Cubana with boiled egg naman tayo ngayon para sa lunch ng ating frontliners at the checkpoints. 

“We used Ate Glenda’s recipe and these meals will be delivered to Lingayen Pangasinan and Pasay. Thank you Mahal @dongdantes for distributing in Pasay. Stay safe everyone!”

Read more...