Roque kinontra ang pahayag ni Duque kaugnay ng second wave ng COVID-19

KINONTRA ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang naunang pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III kaugnay ng umano’y second wave ng coronavirus disease (COVID-19).

“Nagsimula po ang first wave natin ng dumating yung tatlong Tsino na mayroon na pong kaso ng COVID-19. Pero hindi po community acquired yan. Ganunpaman, dyan po nagsimula ang first wave,” sabi ni Roque.

Idinagdag ni Roque na base na rin sa naging konsultasyon niya sa mga eksperto, first wave pa rin ang nararanasang kaso ng COVID-19.

“Nagpapasalamat din po ako sa mga dalubhasang ating kinonsulta. Sila po ay kapareho ring mga dalubhasa na tumulong po sa atin noong isinulong natin ang Universal Healthcare Law. Sino po sila: Well si Dra. Espie Cabral, dating Kalihim ng DOH; si Dr. Ernesto Domingo, Magsaysay Awardee for Medicine; at si Dra. Minguita Padilla ng UP-PGH,”ayon pa kay Roque.

“Kung titingnan natin ang depinisyon ng kurbada, yung wave na tinatawag, it is the number of cases over a period of time of community acquired cases. Eh dapat po siguro simula lamang yung tatlong kaso ng mga Tsino,” giit pa ni Roque.

Kasabay nito, idinagdag ni Roque na nananatili pa rin ang tiwala ng Palasyo sa liderato ng DOH sa kabila ng mga batikos hinggin sa pahayag ni Duque.

“Nakausap si Secretary Duque. Gaya ng aking sinabi ‘no, lahat po ng propesyunal, iba-iba naman ang tingin, ang opinyon sa mga parehong siyensiya at parehong datos. So siguro po iyong naging consultant ng DOH ay ang tingin niya iyong tatlong kasong iyon ay sapat na para maging wave or wavelet. Pero ang tingin naman po nang marami ‘no at marami naman po tayong kinonsulta ‘no, tatlong dalubhasa rin, eh kinakailangan po basahin iyan na kabahagi ng iisa lamang wave,” sabi ni Roque.

 

Read more...