INUPAKAN ngayon ni Senator Imee Marcos si Finance Secretary Carlos “Sonny” Dominguez III kaugnay sa hindi nito pagsasabi ng totoo na hindi kailan man nakapag-export o nakapag-suplay ng bigas ang Pilipinas noong panahon ng 70s sa mga karatig bansa nito sa Asya.
Ayon kay Marcos, naging self-sufficient ang Pilipinas sa rice production at patunay ang page-export na umaabot sa 89,000 metriko toneladang bigas noong 1977 hanggang 1978 sa ilalim ng programang Masagana 99.
“Wawa naman si Lolo Sonny, nag-uulyanin na yata? Ang linaw ng data, kaya nga nagtataka ako bakit ayaw tanggapin ni Sonny ang katotohanang nakapag export tayo ng bigas dahil na rin sa Masagana 99 at yan ay dahil sa sipag na rin ng mga magsasaka natin!” paliwanag ni Marcos.
Sinabi pa Marcos, ang paninising ginagawa ni Dominguez sa mga magsasaka nang ipatupad ang Masagana 99 program ay nakababahala lalu na ngayong nalalalapit ang panahon ng pagtatanim sa mga bukirin.
“Ano bang tulong sa next planting season ang magagawa ni Sonny sa mga magsasaka? Ang mahirap kasi, puro paninisi ang ginagawa niya sa mga magsasaka na hindi nakababayad ng kanilang mga utang. May COVID-19 na nga, ganito pa ang maririnig mo kay Sonny,” galit na pahayag ni Marcos.
“Sana mahiya naman siya. Hindi ko alam kung meron amnesia o nagsisinungaling si Sonny,” sabi ni Marcos.
Nanawagan din si Marcos kay Dominguez na maging parehas at alisin na ang galit nito, at kilalanin ang mga naging ambag ng Masagana 99 lalu na ang mga magsasakang nagsumikap para umunlad ang kanilang buhay.
Sinabi rin ni Marcos na si Dominguez ay dating secretary ng Department of Agriculture noong panahon ni Pangulong Corozon Aquino at maituturinmg na tunay na “dilawan” na nakapasok sa administrasyon ni Pangulong Duterte.
Sa kasalukuyang pamahalaan ni Duterte, muling binuhay ang programang Masagana 99 noong 2017 at binigyan ito ng bagong pangalan ng Department of Agriculture na Masaganang Ani 200.
“Suportahan kaya ni Sonny ang Masaganang Ani 200? Naku, magpakatotoo na lang sana siya dahil nakabase naman ito sa Masagana 99,” sabi pa ni Marcos.