Kagawad naki-party, nalunod

PATAY ang isang barangay kagawad ng Bugallon, Pangasinan, matapos umanong malunod makaraang dumalo sa party.

Nakilala ang nasawi bilang si Renato Torio, 59, residente’t kagawad ng Brgy. Bañaga, ayon sa ulat ng Ilocos regional police.

Natagpuan na lang na palutang-lutang ang kanyang bangkay sa bahagi ng Agno River na sakop ng naturang barangay, dakong alas-10 ng umaga Miyerkules.

Sinabi sa pulisya ng residenteng si Benjamin Dela Cruz na mangingisda sana siya sa ilog, nang madiskubre ang bangkay.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nang gabi bago iyo’y dumalo ang kagawad sa isang birthday party kung saan siya nakipag-inuman, at pagdaka’y umalis sakay ng bisikleta.

Inaalam pa kung paano napunta sa ilog ang kagawad.

Read more...