NAIS ng isang kongresista na mauna sa pagpapa-test ang mga mambabatas at mga empleyado ng Kamara de Representantes.
Sa virtual hearing ng House Defeat COVID-19 Committee kanina, sinabi ni Senior Citizens Rep. Francisco Datol na kinakaltasan ng PhilHealth contribution ang mga mambabatas kaya dapat maging prayoridad sila sa testing.
“I am supporting the House bill pero dapat po mauna tayong ma-test — yung mga congressman, congresswoman, at mga empleyado ng Congress. Lahat naman po tayo nagbabayad ng PhilHealth,” ani Datol.
“Kamukha po natin mga congressman ano po, 304 tayo… magsusuweldo tayo salary deduction P900/month sa loob po ng tatlong taon P32,420 ngayon po kamukha po namin mga senior citizen sa Kongreso mahigit 100 po kami dyan, ang alam ko po ang Senior Citizen exempted na sa PhilHealth bakit lahat tayo bata at matanda sa Kongreso inaalisan pa ng P900 a month kaya nga po ang hiling ko sana unahin muna natin sana kung yung testing na yan ay maaaprubahan na, unahin muna lahat ng ating mga colleagues tsaka yung ating mga empleyado….”
Dinidinig ng komite ang House bill 6707 o ang “An act encouraging a baseline polymerase chain reaction COVID-19 testing for vulnerable members of society for the purpose of intercepting COVID-19 transmission.”
Nasa 5,000 ang mga mambabatas at empleyado ng Kamara de Representantes.
“Kung pupunta tayo sa Kongreso ngayon, yung 25 araw-araw na nasa plenary, ang nakikita ko po parang boxing…tayo mga boksingero, ang kalaban natin hindi nakikita. Hindi po natin alam ngayon kung sino na ang may karamdaman sa atin.”
Nais din ni Datol na makasama ang mga senior citizen sa testing kahit na hindi babalik sa trabaho ang mga ito “Para naman po mapawi ang kaba at alinlangan ng ating mga lola at lolo sapagkat malalaman nila ang Kongreso ay nandito para alagaan sila.”