PUMALO na sa P2.139 bilyon ang naitalang halaga ng pinsalang dulot ng bagyong “Ambo” sa maraming bahagi ng Luzon at Visayas, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Mahigit P1.562 bilyon ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura, habang P577.62 milyon ang naitala sa imprastruktura, sabi ng NDRRMC sa pinakahuling ulat nito.
Nangunguna sa pitong rehiyon na nagtamo ng pinsala ang Calabarzon na nagtala ng P1.080 bilyon sa agrikultura lamang.
Pinakamaraming napinsala doon na high-value crops gaya ng mangga, saging, papaya, at gulay, sinundan ng palay at mais, mga palaisdaan, at mga alagaing hayop, ayon sa NDRRMC.
Pangatlo naman sa puwesto ang Eastern Visayas, kung saan P141.833 milyon pa lang naitatalang pinsala sa agrikultura kahit ito ang dumanas ng kalakasan ng bagyo.
Nadagdagan naman ang mga naitalang nasirang health facility, kung saan siyam na ang sa Eastern Visayas at apat pa rin ang sa Bicol.
Umabot na sa 289 ang bilang ng mga napinsalang paaralan, na kinabibilangan ng 105 sa Bicol, 62 sa Eastern Visayas, at 52 sa Calabarzon.
Mayroon namang naitalang 16,993 bahay na nawasak at napinsala, sa Central Luzon at Eastern Visayas lamang.