Pagamutan ng mga Chinese na may COVID-19 ni-raid; 2 arestado

ARESTADO ang dalawang Chinese national nang salakayin ng mga awtoridad ang isang di lisensyadong pagamutan ng mga banyaga para sa 2019-Coronavirus disease, sa isang resort sa Clark Freeport Zone, Pampanga.

Naaresto sina Hu Ling at Lee Sheong-hyun, supervisor at pharmacist ng pasilidad na nakatago sa isang villa sa Fontana Resort and Convention Center, sabi ni Col. Amante Daro, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group-Region 3.

Inabutan din sa pasilidad ang isang pasyente na lalaking Chinese, at agad itong itinurn-over sa mga kawani ng Department of Health.

Isinagawa ng mga tauhan ng Food and Drug Administration (FDA) at DOH ang operasyon, kasama ang CIDG-3 at regional intelligence operatives, nito lang Lunes.

Ikinasa ang raid bunsod ng impormasyon na ang Villa 628 ay ginagamit bilang pagamutan at botika ng mga Chinese national, kahit walang permiso mula sa DOH at FDA.

Ginagamot umano sa pasilidad ang lahat ng sakit ng mga Chinese na tumutuloy sa Fontana, pero nakatagpo ang mga awtoridad ng tanda na sinusubukan ding lunasan doon pati ang COVID-19.

“They have used RTKs (rapid test kits) in their trash bins,” sabi ni Daro sa BANDERA.

Nakatagpo din doon ng mga gamot na mula China. Kumuha ng sample ng mga gamot ang FDA para suriin, habang ang iba pang stock ay sinelyuhan.

“The place is not authorized to operate, has no pharmaceutical permit, and the collected Chinese medicines are unregistered for public consumption,” ani Daro.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng tenant ng villa, habang ito’y hinahandaan ng kasong paglabag sa FDA Act at Medical Act.

Sinusubukan ding tuntunin ng CIDG-3 kung sino pa ang mga nagpagamot sa pasilidad at sinu-sino ang kanilang mga nakasalamuha, ani Daro.

Read more...