Liquor ban sa Las Piñas binawi

BINAWI ngayong araw ng pamahalaang lungsod ng Las Piñas ang liquor ban sa lungsod sa harap ng ipinatutupad na modified enhanced community quarantine (MECQ).

Sa nilagdaang City Ordinance No.1693-20 ni Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar, pinapayagan nang magbenta ng alak ang mga distributors, wholesalers o high-volume retailers hanggang low-volume retailers gaya ng grocery stores, sari-sari stores at convenience stores.

Pero paglilinaw ni Mayor Aguilar, ang pag-inom ng alak ay maaari lamang sa loob ng bahay at limitado sa mga miyembro ng pamilya.

Bawal imbitahan sa inuman ang mga kaibigan, kapitbahay o bisita.

Nakasaad sa guidelines ng pagpapatupad ng community quarantine na bawal ang operasyon ng mga establisimento tulad ng mga restaurant, bar, club, hotel, at karinderya, kaya naman hindi rin sila pinahihintulutang magbenta at magsilbi ng alak.

Mahigpit ding ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan ang pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar tulad ng kalsada, bangketa, parke, plaza, parkway, at iba pang katulad na lugar.

Ang sinumang lalabag sa ordinansa ay papatawan ng karampatang parusa at multa.

Read more...