‘Masaklap na kapalaran…pero may pag-asa pa ring makabalik ang ABS-CBN…’

NAGPAHAYAG na ang presidente at CEO ng ABS-CBN na si Mr. Carlo Katigbak. 

Inilatag niya ang libro ng ipinasaradong istasyon sa publiko na hanggang sa Agosto na lang kakayanin ng network ang pagpapasuweldo sa kanilang mga empleyado.

    Sa bawat araw na dumadaan na hindi nakapagsasahimpapawid ang istasyon ay nalulugi ang kumpanya nang milyun-milyong halaga.

    Mula nu’ng May 5 nang maglabas ng kautusan ang NTC na pinagbabawalan na silang umere ay nagsimula nang malugi nang tatlumpu hanggang tatlumpu’t limang milyon kada araw ang istasyon.

    Napakalaking pondo ang nawawala sa network, kaya ayon kay Mr. Katigbak, hanggang sa darating na Agosto na lang sila makapagpapasuweldo ng kanilang mga nasasakupan dahil hanggang du’n na lang ang kapasidad ng kanilang kumpanya.

    Mapupuwersa na ang pamunuan ng ABS-CBN na magtanggal ng kanilang mga empleyado, magbawas ng kanilang mga obligasyon, dahil sa pagkalugi ng kumpanya.

    Lumabo pa naman ang pag-asang mapabilis ang probisyunal na prangkisa ng ABS-CBN, nakakita na sana ng pag-asa ang kanilang mga artista at empleyado na makababalik na sila sa katapusan ng Oktubre, pero biglang nagbago na ang tinatahak ng pagdinig sa kanilang prangkisa.

    Ang uupuan na ng Kamara at ng Senado ay ang hinihinging prangkisa ng network sa loob  nang dalawampu’t limang taon at hindi na ang limang buwang prangkisa lang para makapagsahimpapawid uli.

    Napakatagal pang proseso ang kailangan nilang hintayin, siguradong mababalagoong ang usapin sa Mataas at Mababang Kapulungan, kaya siguradong nakakasa na ang pagbabawas ng mga empleyado nila sa Agosto.

    Napakasaklap na kapalaran ang naghihintay sa mga kasamahan naming matagal na panahon nang naglilingkod sa ABS-CBN. 

Du’n na sila nagdalaga at nagbinata, du’n na sila nakabuo ng pamilya, pero ganito pala ang kahihinatnan nila.

    Nang mag-lockdown ay marami na kaming nakausap na dating mga kasamahan sa network, balot na balot sila ng lungkot at pangamba, dahil mukhang wala na pala silang babalikang trabaho pagkatapos ng ECQ.

    Sino nga ba naman kasi ang mag-aakala na magsasarado pala ang higanteng istasyon sa ating bansa?

    Ang lahat talaga ng bagay at pangyayari ay walang katiyakan, palaging temporaryo lang, kaya may pag-asa pa ring makabalik uli ang ABS-CBN.

Read more...