PINAGLAWAY ng Kapuso couple na sina Carla Abellana at Tom Rodriguez ang netizens sa kanilang latest YouTube vlog kung saan nagluto sila ng specialty ng aktres na leche flan.
Ayon sa Kapuso actress, high school pa lang daw siya ay kinahiligan na niya ang paggawa ng classic Filipino dessert na siya ring paborito ng boyfriend na si Tom.
Habang nasa ilalim pa rin ng community quarantine ang bansa, ibinahagi nina Carla at Tom ang nakakatakam at madaling leche flan recipe na kayang-kayang sundan ng netizens na nais may pagkaabalahan sa kani-kanilang tahanan.
Kinakiligan naman ng netizens ang ka-sweetan ng Kapuso couple na kasing-tamis daw ng inihanda nilang leche flan.
“Sweet na leche flan, sweet na couple. Perfect combination!” comment ng netizen.
Sabi naman ng isa pa, swak na swak ang personalities ng TomCar, “Best match talaga sila haha isang seryoso at isang makulit.”
* * *
Wala raw naka-set na routine si Kapuso actress Janine Gutierrez na namamalaging mag-isa sa kanyang condo unit habang naka-enhanced community quarantine pa rin ang ilang bahagi ng bansa.
Iba-iba ang ginagawa niya kada araw, depende sa kanyang mood, “May days na sobrang pumped up ako, I feel so productive, tapos may days naman na I’m kinda sad.
“I learned na you also don’t have to be too hard on yourself with the illusion na kailangan mong maging sobrang productive,” ani Janine.
Gayunman, pinapanatili pa rin naman niyang busy ang sarili sa mga gawaing-bahay at pakikipag-communicate sa pamilya at mga kaibigan.
“It’s different everyday pero for sure I do a lot of chores. Dishes, laundry, linis-bahay, so everyday is different for me. Mayroon akong laundry day, mayroon akong linis day. I also talk to my family and my friends a lot,” dagdag niya.
Samantala, nanawagan din ng tulong si Janine para sa mga pamilyang nasalanta ng bagyong Ambo sa San Policarpio Samar. Ipinost ng National Youth Ambassador ang post ng charity organization na Sirak SanPoli sa kanyang Instagram Story kasabay ng kanyang paghingi rin ng tulong para sa mga apektadong residente.
“Help the relief operations for the victims of Typhoon Ambo in San Policarpio, Samar,” aniya.