Importasyon ng COVID testing machines pinagkakakitaan ng mag-asawa?

MAY mag-asawa umano na kumikita ng malaki ngayon dahil kinokontrol nila ang pagbili ng bansa ng testing equipment at testing kits para sa coronavirus disease 2019.

Sa isang privilege speech, nanawagan si Iloilo Rep. Janette Garin kay Pangulong Duterte na huwag hayaan ang pananamantala ng mag-asawang ito.

Sinabi ni Garin na maraming alam ang publiko kaugnay ng COVID-19 dahil sa media.

“Ano po ang hindi nababalita? Yung greediness ng iilan na marahil puno’t dulo ng kaya gaano man kalakas ang panawagan ng madla para sa malawakan o expanded PCR swab testing ay tila yata hindi matuloy-tuloy ito.”

Hindi isinapubliko ni Garin ang pangalan ng mag-asawa na binansagan niyang “VE” dahil sa gawain nilang ‘very enterprising’ sa pag-hoard ng testing machines at kits. “Pati buhay ng ating mga kababayan ay ginawang negosyo.”

“May iilang walang konsensya na hinaharang ang access natin sa mga testing equipment at testing kits sa bansa natin. Allegedly, there is a couple in the Philippines barring the importation of much needed COVID testing automated machines otherwise called automated extractor machines,” ani Garin.

Nabulgar umano ang ginagawa ng mag-asawa ng magreklamo ang ilang pribadong indibidwal na nais mag-donate ng testing kits. Ayaw umano silang bentahan ng testing kits dahil kailangan muna nilang bumili ng testing machine.

“Kung ang isang negosyante po ay iho-hoard o itatago ang yung mga kagamitan para sa testing at ibebenta ng pagkamahal-mahal sa ating mga donors hindi po ba, is this not an injustice to the Filipino people?”

Ang kompanya umano ng mag-asawa ay nagpapakilala na “exclusive distributor” ng testing machines.

Sinabi ni Garin na ang mag-asawa ang dahilan kaya na-delay ang pagdating sa bansa ng kinakailangang testing equipment na magagamit sana sa mga “laylayan at bayan-bayan”.

Ginawa umano ito ng mag-asawa sa kabila ng banta ng gobyerno.

“Ang apela ko sa ating Mahal na Pangulo, Tatay Digong, President Rodrigo Duterte pakitignan po ang anomalyang ito sapagkat ang importation ng automated extractor machines at pakipitik naman po yung ating very enterprising couple para matauhan kahit bahagya lamang,” ano Garin na hiniling rin kay Sen. Bong Go, chairman ng Senate Health committee na magsagawa ng imbestigasyon.

Hindi lamang umano pera kundi pati buhay ng mga Filipino ang kinukuha ng mag-asawang VE.

Read more...